Huwag namang ipahiya ang Pangulo

NAKAKAAWA si Presidente Arroyo. Lagi na lang napapahiya dahil sa mga maling impormasyon at payo’ng isinusubo ng mga taong nakapalibot sa kanya. Nauunawaan naman nating mahirap magpatupad ng umento ang mga kompanya sa ganitong panahon porke ang epekto nito’y pagkatanggal sa trabaho ng mas maraming manggagawa o kaya’y runaway inflation o matinding pagtaas sa presyo ng mga bilihin.

Ewan ko kung sino ang nagpayo sa Pangulo na ihayag ang suporta sa isang legislated o isinabatas na salary increase. Siguro’y layunin nito na pagandahin ang image ng Pangulo. Kabaligtaran ang nangyari. Initially, marami ang natuwa lalo na sa hanay ng mga low earners sa pahayag ng Pangulo.

Kapuskapalaran, ilang araw lang ang lumipas ay nagbago na ang paninindigan ng Pangulo. Ito’y matapos siyang makipagpulong sa mga lokal at dayuhang negosyante na nagpahayag ng pagtutol sa isinabatas na dagdag-sahod. Bumalik ang Pangulo sa dating paninindigan na ang pagpapasya sa umento ay nasa kamay ng mga regional wage boards. Dismayado na naman ang uring manggagawa sa Pangulong "laban-bawi."

At heto naman ang maling impormasyon na nagbaon lalo sa kahihiyan sa Pangulo. Lumabas sa telebisyon ang Pangulo at masayang ibinalita ang pagkakadakip ng mga elemento ng Philippine National Police sa aniya’y "notoryus na lider ng Abu Sayyaf" na si Kumander Putol o si Radulan Sahiron. Abot tenga ang ngiti ng Pangulo sa pagsasabing ito’y malaking accomplishment ng kampanya ng pamahalaan laban sa terorismo. Subalit kasabay ng paglabas ng balita sa mga pahayagan kinaumagahan, nag-sorry ang PNP porke na "wow mali!" Buong pagpapakumbabang umamin na maling tao ang kanilang naaresto. Hindi si Kumander Putol kundi isang "look alike." Si Sahiron ay putol ang kanang braso samantalang ang dinakip na si Antonio Gara na isa palang negosyante ay putol ang kaliwang braso. Ha!

Sabi nga ni Manong Max Soliven sa kanyang kolum sa Philippine Star, "If our police cannot tell the difference between the left and the right - God help us!" Nakakahiya talaga. Hindi pulisya ang kahiya-hiya kundi ang Pangulo.

Omigosh!
ang anti-terrorism campaign ay tila naging "errorism campaign" Bakit nakagawa nang ganyang kapalpakan? Ayokong isiping nagmamadali ang mga bounty hunters na makamit ang milyones na pabuya sa ulo ni Sahiron kaya kahit sino na lang ay ipinagkanulo. Tsk.. tsk!

Show comments