Bukas, magsisimula na ang "paglilitis" sa Pangulo ng tinatawag na "peoples court" ng Citizens Congress for Truth and Accountability (CCTA). Ano na naman kayang nakaliligalig na kontrobersya ang ibubunga nito?
Nangangamba akong dahil diyan, mabulabog muli ang gawain ng gobyerno matapos umigi nang bahagya ang takbo ng stock market at unti-unting lumalakas ang piso. Epekto raw iyan ng implementasyon ng EVAT. Kahit mapait sa panlasa natin iyan at atin pang binatikos sa nakalipas nating kolum, naririyan na at wala na tayong magagawa. Mag-hands-up na lang muna and give it the benefit of the doubt. Pero kung magtutuluy-tuloy ang krisis sa pulitika, baka hindi na natin madama ang inaasam na kaunting ginhawa. Matatandaan natin na sumadsad ang halaga ng piso sa kainitan ng impeachment proceedings laban sa Pangulo kasabay ng mga imbestigasyon ng Senado sa mga sinasabing katiwaliang kinasangkutan niya.
Totoong karapatan bawat mamamayan na magprotesta at bumuo ng mga kilusan tulad ng CCTA para halungkatin at ilabas ang katotohanan tungkol sa mga bintang sa Pangulo, hindi naman kikilanlin ng umiiral na batas ang ano mang findings o ihahatol nito sa Pangulo. Mayroong mga legal na institusyon para diyan.
Pero malaking dagok ang maaaring ibunga nito sa kalagayang pampulitika na ang malubhang maaapektuhan ay ang taumbayan. Wala mang legal personality at ang magiging hatol ay hindi tatanggapin ng batas, magiging paksa sa pahayagan, radyo at telebisyon ang resulta ng gagawing paglilitis ng peoples court na natitiyak kong hindi paborable sa Pangulo at magdaragdag lang ng gatong sa galit ng taumbayan sa leader ng bansa. Hanggat naririyan ang galit na iyan, mauudlot muli ang pag-usad ng bansa sa kaunlaran.