Nasubaybayan ng taumbayan ang kasamaan ng mga teroristang Sayyaf at tiyak na wala silang hinahangad kundi ang madurog na ang mga ito. Maraming kinidnap, pinatay nang walang awa, maski babae ay hindi iginagalang na pati suso ay tinatapyas, pinupugutan ng ulo ang makursunadahan at maski pari ay binunutan muna ng kuko bago pinatay.
Nakapagtataka kung paano nakalulusot sa bitag ang mga Abu Sayyaf. Masyado bang madulas o walang sigasig ang AFP para tuluyang mahulog sa kanilang mga kamay. Ayon sa report malayang nakagagala sa maraming lugar sa Central Mindanao si Janjalani na hindi natitiktikan. May pagkakataon pa umanong nagsusuot babae si Janjalani para lamang malusutan ang military. Maraming beses na raw nakita sa palengke sa Basilan si Janjalani at madulas na nakatalilis nang maamoy na natunugan sila ng military. Hanggang ngayon, patuloy na nakapanlalansi ang mamamatay-taong si Janjalani.
Patuloy ang Abu Sayyaf sa pagsasabog ng lagim. Sa kabila na kakaunti na lang ang miyembro ay nakapagsasagawa pa ng pambobomba. Ang pinaka-latest na pambobomba ay isinagawa nila sa M/V Doña Ramona ilang buwan na ang nakararaan. Apat ang namatay sa pambobomba. Sila rin ang may kagagawan sa pambomba sa isang bus noong Feb. 14, 2005 sa Makati na ikinamatay ng apat katao at pagkasugat nang marami pang iba. Isang magandang balita naman, na nahatulan na ng kamatayan ang apat na bombers na nagsagawa ng pambobomba sa bus. Kamatayan sa pamamagitan ng lethal injection ang hatol sa kanila ni Makati RTC Judge Marical Marissa Guillen. Sana ay ganyan lagi kabils magpalabas ng desisyon ang mga judge. Siyam na buwan lamang ang itinagal ng paglilitis sa apat na terorista at lumabas na ang hatol. Ngayoy siguradong kamatayan na ang hantong ng mga terorista. Huwag lamang ibabasura ang parusang kamatayan.
Ubusin ang mga teroristang Sayyaf. At mas lalo pang magiging mabilis ang pag-ubos sa kanila kung aapurahin ang anti-terrorism law.