Ang tatlong nahatulan ng bitay ay kinabibilangan nina Rohman Abdurohim, isang Indonesian; Gamal Baharan at Angelo Trinidad. Si Abdurohim ay miyembro ng Jemaah Islamiyah samantalang sina Baharan at Trinidad ay mga miyembro ng Abu Sayyaf. Tatlo pang kasamahan nila ang nakalalaya at hinahanap pa ng mga awtoridad.
Naganap ang malagim na pambobomba ng mga terorista noong February 14, 2005. Tinaniman nila ng bomba ang RRCG bus habang bumabagtas sa EDSA. Umanoy sumakay sa Crossing ang tatlo at pagdating sa Ayala Avenue ay bumaba. Makalipas ang ilang minuto ay sumabog na ang bus. Sa lakas ng pagsabog, dalawang katabing bus ang nawasak. Nang mahawi ang usok, natambad ang mga sugatan. Apat ang namatay at mahigit 100 ang malubhang nasugatan. Kaawa-awa ang itsura ng mga walang malay na pasahero ng bus na nadamay sa ginawa ng tatlong terorista.
"Patayin ang mga terorista!"Iyan ang humigit-kumulang na gustong isigaw ng mga kaanak ng biktima. Bukod sa Valentines Day bombing, marami pang pambobombang ginawa ang mga terorista na hangang ngayon ay hindi pa nakakatikim ng hustisya. Malagim ang pambobomba noong Dec. 30, 2000 kung saan limang sunud-sunod na pambobomba ang naganap at maraming namatay, partikular sa LRT-Blumentritt Station. Binomba ang Super Ferry 14 noong nakaraang taon, ang Davao International Airport at isang seaport doon at ang kamakailan lamang na pambobomba sa ferry na Doña Ramona.
Kung ano ang inutang ay iyon din ang dapat na kabayaran. Buhay ng mga terorista ang nararapat ipalit sa inutang nilang buhay. Hindi sila nararapat sa mundong ito na ang mga taoy naghahangad ng kapanatagan.