Unang pinaslang si Roneto Torente, 30, pamangkin ni Rolando noong ika-1 ng Agosto 2005 ng alas-12:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa may harapan ng bahay ng biktima sa Brgy. Rizal, Makati City. Kasama nito ang kaibigang si Enrico Ramos sa bahay ng biktima upang magpaalam sa kapatid nito na sa bahay ng kaibigan niya ito matutulog.
"Tumambay muna daw sila sa labas ng bahay nila at nakita nila itong si Christopher Torquator na nakatambay rin sa labas ng bahay nila. May dalawang lalaki din ang nakatambay na parang may hinahanap ang mga ito," sabi ni Rolando.
Nagkatinginan sina Christopher at ang isang sa dalawang lalaking nakaistambay. Tinanong ng lalaking ito kung bakit masama ang kanyang titig na agad namang sinagot ni Christopher na ang lalaking ito ang masama ang titig sa kanya. Nagkaroon ng mainit na pagtatalo sa pagitan ng dalawang ito habang si Roneto naman ay kasalukuyang nasa loob ng bahay. Samantala kinilala ang lalaking ito na si Mario Bentulan, isang army na umanoy bodyguard ng kanilang barangay captain na si Abner Dreu.
"Nang marinig daw ng pamangkin ko na may kasagutan itong si Christopher ay agad siyang lumabas ng bahay at nilapitan ang kaibigan pero bigla na lamang daw bumunot ng baril itong si Mario," sabi ni Rolando.
Ang ginawa ni Roneto, sinunggaban nito ang baril na hawak ni Mario para maagaw ang baril. Subalit bigla na lamang ipinutok ng dalawang beses ni Mario ang kanyang baril. Ang una ay nagawang ilagan ni Roneto subalit noong pangalawa ay napuruhan na ito.
"Pagkatapos na barilin si Roneto ay si Christopher naman ang pinuntirya nito pero hindi pumutok ang baril kaya nagtatakbo na lamang ito habang ang kasama ni Mario ay biglang sumulpot at sinunggaban ng saksak pero nakatakbo si Christopher sa loob ng bahay," sabi ni Rolando.
Mabilis na tumakbo ang mga suspek nang mapansin nitong dumami ang mga tao sa kapaligiran. Samantala agad namang dinala sa Ospital ng Makati ang biktimang si Roneto subalit binawian na rin ito ng buhay.
"Inireport naman agad ito ng asawa ni Roneto, si Abigail ang nangyaring insidente kaya nasampahan ito ng kasong murder," sabi ni Rolando.
Isang buwan ang lumipas matapos barilin si Roneto ay ang kapatid naman niyang si Salvador Torente ang pinaslang noong ika-5 ng Setyembre 2005 sa pagitan ng alas-7 hanggang alas-8 ng gabi sa tapat din ng bahay ng biktima sa Brgy. Rizal, Makati City.
"Barangay kagawad ang kapatid kong si Salvador. Against siya sa mga iligal na gawain sa aming barangay kaya naman may mga tao siyang nasasagasaan. Maaring ito ang motibo sa pagpatay sa kanya," pahayag ni Rolando.
Ayon pa kay Rolando, maraming pasugalan sa kanilang barangay ang hindi maipasara ng kanilang kapitan kahit na may mga residente ang nagrereklamo patungkol dito. Isang Benjamin "Ben" Son ang umanoy protector ng nasabing mga pasugalan.
"Nakaupo ang kapatid kong si Salvador kasama ang kanyang anak na si Jeremiah sa tapat ng kanilang bahay nang mangyari ang insidente. Hinihintay nila noon ang pera mula sa pinsan naming si Jessie," sabi ni Rolando.
Dumating ang pinsan nilang si Jessie para ibigay ang pera kay Salvador. Ilang sandali pa lamang ang lumipas napadaan itong si Ben Son na tila may sinisenyas at pagkatapos may apat na lalaki na pawang mga armado ng baril ang walang sabi-sabing pinagbabaril ang biktima.
"Pumasok agad sa loob ng bahay si Jeremiah sa unang putok pa lamang. Nakita rin ng kapatid kong si Neri kung paano binaril ng mga ito ang kapatid ko," sabi ni Rolando.
Samantala nakabulagta na ang biktima ay hindi pa rin tumigil ang mga ito. Sinabihan naman ni Neri ang mga ito na tigilan na ang pamamaril dito dahil patay na nga ang biktima subalit isang matinding mura lang ang sinagot ni Mario Bentulan dito.
Ilang linggo naman ang lumipas mula nang barilin si Salvador ay si Rolando naman ang puntirya. Ika-19 ng Setyembre, bandang alas-7 ng gabi dumaan sa bahay ng kanyang ama para magmano. Nag-usap sandali kasama pa ang kapatid nitong si Nerie.
"Nagpaalam na akong uuwi at paglabas ko ng bahay nakita kong nakatayo sa di kalayuan itong si Ben Son. Pagkakita niya sa akin ay minura na niya ako. Galit na galit nitong sinabing bakit ko pina-raid ang pasugalan niya," kuwento ni Rolando.
Nag-iigting sa galit itong si Ben Son na papalapit kay Rolando at nang makita nitong may dala-dalang baril ay mabilis na siyang tumakbo papauwi ng kanilang bahay. Dalawang beses siyang pinaputukan ng bala at sa kabutihang palad naman ay hindi naman siya tinamaan nito.
"Hindi na ako pinalabas ng bahay ng asawat mga anak ko matapos ang insidente. Nagkulong na kami sa bahay sa takot na baka ubusin ni Ben Son ang aking pamilya," pahayag ni Rolando.
Samantala nilisan na ng mga Torente ang mga bahay nila sa Makati sa takot mula nang unang paslangin si Roneto hanggang sa tangkang pagpatay kay Rolando. Mabigat man sa kanilang kalooban na iwanan ang lugar na nakagisnan ay ginawa nila ito upang mapanatag silang lahat.
"Sana ay magkaroon ng hustisya ang mga nangyaring ito sa aking pamilya at pagbayaran ng mga suspek ang kanilang ginawa," pagwawakas ni Rolando.
Para sa lahat ng biktima ng karahasan, krimen at mga legal problems, maaari kayong tumawag sa 6387285 o di kayay sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 o 09209672854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.