Ang anim na ‘bugok’ sa Pasay City police

SA mga dorobonog pulis na mahilig mag-hulidap, bangketa, extortion, blackmail at iba pa, itong kaso ng anim na pulis-Pasay City ay maaaring magsilbing leksiyon sa inyo. Hinatulan kamakailan ni Judge Estrellita Paas, ng Pasay City Metropolitan Trial Court (MTC) Branch 44 ang anim na pulis na nakatalaga sa Drug Enforcement Unit na pagkabilanggo mula apat hanggang anim na buwan bunga sa kasong violation of domicile na isinampa laban sa kanila ni Reynaldo Aparis. Ang anim ay sina SPO1 Benjamin Payumo, SPO1 Claro Ventura, PO2 Ricardo Luciano, PO1 Andrew Llanes, PO1 Noel Cesar at PO1 Cirilo Gadia.

Napatunayan ni Paas na pinasok at hinalughog ng mga nabanggit na pulis ang bahay ni Aparis na walang dalang search warrant at inaresto ang anak niyang si Jaime, na umano’y drug pusher. Ang masama pa, pati ang lokal na People’s Law Enforcement Board (PLEB) ay nagbaba rin ng kanilang decision at hinatulan ang mga pulis 90 days suspension without pay sa kasong grave misconduct na nag-ugat din sa kaso ni Aparis. He-he-he! Napatunayan na naman na hindi magbubunga ng maganda ang kasamaan, di ba Pasay City Mayor Peewee Trinidad Sir?

Sa record ng kaso, ang mga Aparis ay natutulog sa ikalawang palapag ng kanilang bahay sa M. dela Cruz St. nang biglang kumalabog ang kanilang pintuan ng madaling-araw noong Hunyo 3, 1999. Maya-maya lang bitbit na ng mga lalaking nagpakilalang pulis ang kanyang anak na si Jaime, pinosasan ito at isinakay sa isang patrol car. Tinanong ni Reynaldo ang mga pulis kung may arrest o search warrant sila pero hindi siya pinansin. Nang dumating ang asawa ni Reynaldo na si Aquilina mula Bulacan, nagulat ito nang makitang na-ransack na ang kanilang bahay at nawawala ang itinatago niyang P28,000.

Matapos makipagsangguni sa kanilang barangay leaders, pinagkukunan ni Aquilina ng litrato ang mga nasirang pintuan nila at ang nagkakagulong gamit. At malaki ang naging papel ng mga litrato para makumbinsi si Judge Paas na nagkasala ang anim na pulis. He-he-he! Tama ang matandang kasabihan na kung matalino man ang mga matching, eh ito ’yong mga pulis ni Mayor Trinidad, ay mapaglalangan din!

Ayon pa kay Aquilina, ng dalawin niya ang kanyang anak sa Pasay City police headquarters, nilapitan siya ng mga arresting officers ng kanyang anak at hiningan ng P50,000 para ayusin na lamang ang kaso. Hindi ito pinatulan ni Aquilina. Sinampahan ng kaso ng mga pulis si Aparis, subalit ibinasura naman ng Pasay MTC Branch 112 noong Feb. 2001 for insufficiency of evidence. At doon nag-file ng counter-suit ang mga Aparis laban sa mga pulis. At mukhang tama naman ang decision ng mga Aparis.

Ibinalewala ni Judge Paas ang depensa ng mga pulis na legitimate buy-bust operation ang pagkahuli ni Jaime Aparis. Ayon kay Luciano, inaresto nila si Jaime sa labas ng kanilang bahay matapos iabot sa kanya ang binibili niyang P100 na shabu. Nakumpiskahan din si Jaime ng marijuana sa kanyang bulsa. Ang problema lang ni Luciano, hindi niya naipresinta sa korte ang asset niya na si alyas Edgar. Si Ventura naman na kapitbahay ng mga Aparis ay nag-testify sa korte na ang pamilya ng Aparis ay mga drug pusher, subalit wa epek pa rin ito kay Judge Paas.

Kung may leksiyon o aral ang mga kapulisan natin sa istoryang ito, ganoon na rin sana ang mga residente natin. Sana tumapang din sila at gayahin ang mga Aparis para mabawasan na ang scalawags sa hanay ng kapulisan natin.

Show comments