Sino ang papalit kay Ombudsman Marcelo?

SAMPUNG batikang abogado – karamihan mga dating huwes – ang na-nominate sa Judicial and Bar Council para kapalit ni Ombudsman Simeon Marcelo, na bibitiw sa Nob. 30 dahil sa malubhang karamdaman: Douglas Cagas, Gualberto dela Llana, Victor Fernandez, Remedios Salazar-Fernando, Nicodemo Ferrer, Margarito Gervacio, Merceditas Gutierrez, Christopher Lock, Diosdado Peralta, at Dennis Villa-Ignacio.

Malinis ang record ng halos lahat at malalim ang karanasan sa batas. Pero ang dalawang huli, sina Peralta at Villa-Ignacio, pinaka-kabisado ang hirap at taktika sa pagbaka sa katiwalian – na trabaho ng Ombudsman.

Si Peralta, bago maging mahistrado ng Sandiganbayan, ay huwes sa Quezon City Regional Trial Court kung saan dininig ang maraming kasong sangkot ang mga opisyales ng gobyerno. Sa tatlong taon sa Sandiganbayan nadinig din ni Peralta ang mga modus operandi ng mga tiwali, bukod sa malalakas at mahihinang klase ng pag-imbestiga o pag-prosecute ng Ombudsman. Kumbaga, alam na niya kung ano ang tama o mali, kung anong ebidensiya at presentasyon ang papasa sa Sandiganbayan o hindi.

Si Villa-Ignacio naman, limang taon nang Chief Special Prosecutor sa Office of the Ombudsman. Pinuno siya ng maliit na pulutong ng mga taga-usig. Bihasa siya sa pagharap sa korte, lalo na sa paglilitis nina Joseph Estrada at Gen. Carlos Garcia at cronies ni Ferdinand Marcos. Kabisado niya ang mga nakabinbing mga kaso, at alam niya kung papano rin nagre-research ang mga taga-imbestiga.

Sana isa sa kanila ang hirangin. Pero kung may angal kayo sa kanila o sa walo pang iba, mag-submit ng sinumpaang salaysay o ebidensiya bago magsara ang opisina ng Biyernes, Nob. 4, sa: Secretariat, Judicial and Bar Council, 2nd Floor Centennial Building, Supreme Court, Padre Faura, Manila. Tel. (02) 552-9516; fax (02) 525-3208.

Maselan ang posisyon ng Ombudsman sa giyera kontra katiwalian. Hindi puwedeng kung sino-sino lang ang ilagay dito. Dapat kasing galing ni Marcelo sa pag-isip ng paraan para manalo ang mga kaso.

Show comments