Kailangang ibalik ang policy of maximum tolerance laban sa mga nagra-rally laban sa administrasyon at ibasura ang tinatawag na calibrated preemptive response (CPR) na walang sinasanto kahit na mga obispo at pari pa ang nangunguna sa mga ito.
Top story natin sa PSN kahapon ang pagsibak kay Manila Police District Supt. Florencio Ortilla dahil siya diumano ang nag-utos na tirahin ng water cannon ang mga nagsipagraling mga pari at militanteng grupo kasama na si dating bise Presidente Tito Guingona, Sen. Jamby Madrigal at Rep. Satur Ocampo nung Biyernes ng gabi. Anong ibig palitawin ng administrasyon? Naghuhugas-kamay ba ito porket nagkaroon ng masamang reaksyon ang bayan sa pangyayaring ito?
Tuwing gagamitin ang CPR, talagang pangit ang magiging impresyon ng publiko sa administrasyon. Ang administrasyong may mabuting intensyon ay handang makinig sa hinaing ng bayan. Bukas ang tenga upang pakinggan ang saloobin ng mga tao at handang ituwid ang ano mang kamalian nito para sa kapakanan ng bansa.
For the good of the President, kailangang ibalik ang maximum tolerance para hindi siya tawaging diktador. Mabuti pa nga si Marcos. Naturingang diktador pero hindi pinabayaan ang taumbayan sa wastong paghahatid ng mga pangunahing serbisyo at pangangailangan. Ngayon, marami ang nagugutom sa tindi ng krisis sa kabuhayan. Paano mo maaasahan ang tao na sumuporta sa Pangulo?