Huwad na dokumento

SA pamamagitan ng kasunduang sinumite sa korte noong Sept. 7, 1981, ipinagbili ni Bernardo, 89 anyos, sa mag-asawang Aguilar ang palaisdaang may sukat na 120,000 sq.m. Ayon sa kasunduan, maaring bilhin muli ni Bernardo ang lupa makaraan ang pitong taon.

Ngunit bago dumating ang ika-7 taon, namatay si Bernardo. Kaya noong December 1, 1989 ang anak niyang si Nida ang nagtangkang bilhin muli ang palaisdaan sa pamamagitan ng pag-deposito sa husgado ng kaukulang bayad sa halagang P200,000. Ngunit ito’y di ginawad ng Korte sa pagsalungat ng mag-asawang Aguilar.

Noong June, 1991, nag-file si Nida ng mosyon sa Korte upang ipatupad ang desisyon nitong petsa Sept. 7, 1981 kung saan inaprubahan ang kasunduang nagbigay karapatan sa ama niyang bilhin muli ang palaisdaan. Ngunit hindi rin ito ginawad ng Korte dahil paso ang desisyon na may bisa lang ng limang taon. Kaya noong Sept. 6, 1991, nagsampa si Nida ng kaso upang buhayin muli ang nasabing desisyon. Bilang depensa, sinabi ng mag-asawa sa kauna-unahang pagkakataon, na pinagbili na raw ni Bernardong ama ni Nida ang kanyang karapatang mabili muli ang palaisdaan isang taon bago ito mamatay. Nilabas nila ang isang dokumento ng bilihan na umanoy may matatag at patuloy na pirma ni Bernardo kahit 93 anyos na siya. Pinagtibay ito ni Kiko ang testigo sa dokumento na nagsalaysay na sa opisina ni Judge Cruz ito ginawa bagamat ayon naman kay Judge Cruz, makinilyado na ito noong nilagdaan niya. At ang lagda niya rito bilang notaryo ay pagpatibay lang sa pirma at di pagpatibay sa dokumentong nilagdaan sa harap niya. Tama kaya ang mag-asawa?

MALI.
Kailangang pinatibayan ni Judge Cruz ang nasabing dokumento ay nilagdaan sa harap niya. Hindi ito ginawa ni Judge Cruz. Bukod dito walang kapangyarihan ang judge na mag-notaryo ng isang deed of sale. Maari lang siyang mag-notaryo ng mga dokumentong may kinalaman sa pagganap ng kanyang tungkulin bilang Judge. Hindi rin kapani-paniwala na sa tagal ng panahon at sa mga hakbang na ginawa ni Nida, ang dokumento ay hindi nilabas ng mag-asawa. Kung talagang may nasabing dokumento, dapat nilabas na ito noong una pa. Bukod dito hindi kapani-paniwala na makakapirma pa si Bernardo ng matatag at tuluy-tuloy noong 93 anyos na siya. At dahil nga may kuwestiyon sa autentisidad ng dokumento, kailangan na kilala yung gumawa nito. Dito sa kaso nagturu-turuan sina Kiko at Judge Cruz kung sino talaga ang gumawa ng dokumento. Kaya hindi totoo na naipagbili na ni Bernardo ang karapatan niya, bago siya mamatay. Maari pang bilhin muli ni Nida ang palaisdaan (Tigno vs. Spouses Aquino, et. al. G.R. 129416. November 25, 2004).

Show comments