Hindi makapayag ang mga kapatid dahil sa unang pagkakataon pa lamang na inaareglo ang kaso ay hindi na sila pumayag. Naharang nila ang pakikipag-usap ni Linda sa pamilya ng suspek kaya hindi ito nagtagumpay.
Ngunit sa pangalawang pagkakataon ay muling kumilos ang pamilya ni Junior upang aregluhin ang kaso. Na-dismiss ang kasong isinampa ng pamilya ni Randy laban sa suspek dahil naareglo ito sa halagang P200,000 kaya naman humingi sila ng tulong sa aming tanggapan upang magawan ito ng paraan.
Sa pamamagitan ng aming programa nila Sec. Raul Gonzalez, Pros. Olivia Non, ang "HUSTISYA PARA SA LAHAT" kinausap ni DOJ Secretary Raul Gonzalez si Provincial Prosecutor George Dee ng Laguna upang ayusin ang aregluhang nangyari. Ngayon ay pormal nang kinasuhan ang suspek na si Wenceslao Amoranto sa kasong MURDER.
Nagpapasalamat kami kay Prov. Prosecutor George Dee para sa mabilis niyang aksyon sa kasong ito. Ang mga ganitong developments sa mga kasong inilalapit sa amin ay nagpapakalakas ng loob ng ating mga kababayan sa kanilang paniniwala "that our judicial system works."
Ito ang pagpapatunay na ang Hustisya ay hindi lamang para sa mayaman o makapangyarihan, kundi ang Hustisya ay para sa lahat...!
Para sa feature article sa araw na ito, nagsadya sa aming tanggapan si Elizabeth Farro, 47 taong gulang ng Araneta Ave., Brgy. 182 Pangarap Village, Caloocan City upang humingi ng tulong hinggil sa kasong pagpatay sa kanyang anak na si Jonathan Farro, 26 taong gulang.
Ika-31 ng Agosto 2005 bandang alas-11:30 ng gabi sa tapat ng bahay ng biktima nangyari ang insidente.
"May maliit kaming tindahan sa labas ng aming bahay. Habang siya ay nagpapahinga nakikipagkuwentuhan siya sa mga kaibigan niyang sina Edward Ancheta at Neil Erwin Asuncion noong araw na yon," sabi ni Elizabeth.
May bigla na lamang lumapit kay Jonathan na kinilalang si Fidel Matig-a at siya ring responsable sa pamamaril sa biktima. Ang suspek ay isang security guard ni Gregorio Araneta na nagmamay-ari ng Carmel Farm Development.
"Pinagbibintangan nila ang anak kong si Jonathan na nambabato sa mga security guard ni Gregorio Araneta pero ang sabi ng anak ko sa kanila ay hindi siya ang nambabato. Wala namang katotohanan ang ibinibintang na iyon," pahayag ni Elizabeth.
Nang lumapit ang suspek, walang sabi-sabi nitong pinagbabaril ang walang kalaban-laban na biktima. Apat ang tinamo nitong tama ng bala sa ibat ibang bahagi ng katawan
"Nakita ko na lang na nakabulagta ang anak ko kaya naman agad namin siyang dinala sa Neopolitan Hospital sa Lagro, Quezon City pero dead on arrival na ito," kuwento ni Elizabeth.
Ayon kay Elizabeth, tatlo ang responsable sa pagkakabaril sa kanyang anak subalit tanging si Fidel Matig-a lamang ang nahuli at ang iba ay nakatakas na.
"Inireport agad namin ang nangyaring ito sa Caloocan City Police Station dahilan para makulong itong si Fidel pero nakapagpiyansa rin ito kaya nakalabas siya ng kulungan habang ang dalawa naman ay malaya pa rin," sabi ni Elizabeth.
Samantala labis ang pangangamba ng mga residente sa lugar na pinangyarihan ng krimen sapagkat baka mangyari muli ang basta na lamang mamaril ng mga abusadong security guard katulad ng suspek na si Fidel.
Nadismaya ang pamilya ni Jonathan nang lumabas ang resolution sa kasong ito. Ang murder na isinampa nila ay na-downgrade sa Homicide dahilan para sila ay lumapit sa aming tanggapan.
Sa tulong ng programang HUSTISYA PARA SA LAHAT nakapag-file ng petition for review ang pamilya ni Jonathan. Nagkaroon ng arraignment sa RTC Caloocan City at na-pending ang pagdinig sa kasong ito dahil sa petition for review na isinumite nito sa Department of Justice.
"Hangad namin na mabigyan ng katarungan ang pagkamatay ng anak kong si Jonathan at mapatawan ng karampatang parusa ang suspek. Sana rin ay mahuli pa ang dalawa at harapin nila ang kasong kinasangkutan nila. Dalangin din namin na maging maayos ang resulta ng pagpa-file namin ng petition for review sa DOJ," pagwawakas ni Elizabeth.
Ugaliing makinig ng HUSTISYA PARA SA LAHAT sa DWIZ 882 khz tuwing Sabado mula alas-7 hanggang alas-8 ng umaga.
Nais kong pasalamatan ang tanggapan ni Administrator Benedicto Ulep ng Land Registration Authority sa walang sawa niyang pagpapadala ng representative sa aming tanggapan para sa may mga problema sa lupa. Nagpapasalamat din ako kay Engr. Porferio Encisa, Chief, Subdivision & Consolidation Division.
Para sa lahat ng biktima ng karahasan, krimen at mga legal problems, maaari kayong tumawag sa 6387285 o sa 6373965-70. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City. E-mail address: tocal13@yahoo.com