Sabi ni Dr. Go na anumang bagay na ipapasok sa taynga gaya ng cotton buds ay dapat na siguraduhing hindi makapipinsala sa pandinig. Ang pagtusok ng anumang bagay gaya ng palito ng posporo at tingting na nilalagyan ng bulak at mga instrumentong metal na pang-alis ng tutule na laganap sa Ongpin at iba pang lugar sa Kamaynilaan ay nagdudulot ng pinsala.
Ipinaliwanag ni Dr. Go na ang taynga ay may kapasidad na mag-self cleaning at dinugtong niya na ang cotton swabs ay hindi kailangan para sa good hygiene at madalas pa ngang maka-damage ito sa taynga. Sabi ni Dr. Go na ang bulak ay puwedeng gamitin sa panlinis sa labas o sa outer surface ng taynga at huwag itong ipasok sa butas ng taynga. Kapag napuna na ang inyong anak ay naiirita dahil may nararamdamang dumi gaya ng maraming tutule dapat na patingnan ang inyong baby sa kanyang pediatrician.
Ayon kay Dr. Go, may mga batang madaling mag-accumulate ng earwax dahil sa kanilang pagta-tantrums at nahihirapang makarinig. May mga bata ring hindi pansin ang tutule nila na kusa namang nalalaglag, samantalang meron ding may factory ng earwax na sagabal sa kanilang pandinig. Anumang foreign bodies na pumasok sa loob ng taynga ay dapat na maalis kaagad. Para sa karagdagang impormasyon kaugnay ng ear care matatawagan si Dr. Eduardo Go sa 7231159/7231160 at 8671229/30.