Tunay na marami tayong mga katuwang sa pagpapatupad sa batas na ito, subalit marami rin ang sa aming palagay ay hindi nakakatulong at bagkus ay lalo pang nakakapinsala sa ating operasyon upang linisin ang hangin, lalo na sa Metro Manila.
Tulad na lang nitong mga tiwaling Private Emission Testing Centers (PETCs). Sa sunud-sunod na operasyon na isinagawa ng Anti-Smoke Belching Unit (ASBU) ng DENR, umabot sa 39 na PETCs ang nahuling nag-iisyu ng Certificate of Emission Compliance bagamat ang mga sasakyan ay hindi naman aktuwal na nasuri. Ito ay isang malaking anomalya na dapat bigyan ng tuldok kung gusto nating talagang luminis ang hanging ating nilalanghap.
Bakit kailangang tutukan ang mga PETCs? Alam ba ninyo na 70-80 percent ng polusyon sa hangin ay nanggagaling sa mga sasakyan at ang nalalabing 20-30 percent ay mula naman sa pabrika. Kung kaya kahit maghigpit ang Clean Air Act sa pamantayan sa usok na binubuga ng mga sasakyan ay naglipana pa rin ang mga smoke belchers sa lansangan. Balewala ang ginagawang panghuhuli sa mga smoke belchers kung imbes na ayusin nila ang mga makina ay nagbabayad na lamang ang mga ito at binibigyan naman sila ng mga certificates of emission compliance ng mga PETCs.
Malaki ang aming paniniwala na kapag tuluyan na nating nasawata ang ganitong mga katiwalian ay mapapabuti na ang kalidad ng hangin dito sa Metro Manila.