Demoralisado ang France sa gulong pampulitika nang lusubin ito ng tropa ni Hitler nung 1939. Wala halos lumaban, kaya madaling nagapi ang France. Demoralisasyon din ng publikong Amerikano ang nagpaatras sa pinaka-malakas na militar sa buong mundo sa Vietnam nung 1975.
Ngayon, makikitang demoralisado ang bansang Pilipinas. Hati ang mga pamilya at samahan para sa Administrasyong malamang na nandaya sa eleksiyon at sa Oposisyong halatang hayok na maluklok. Lito sa mga pangaral kontra-jueteng ng mga obispo, na tumatanggap naman ng pera sa Pagcor na walang resibo. Hirap sa paghahanapbuhay samantalang nakikita ang mga pinuno na nagpapakasasa sa yaman ng bayan.
Demoralisado ang Pilipino. Walang makitang maganda sa sarili. Nag-people power revolt nga nung 1986, na hinangaan ng buong mundo dahil sa mapayapang pagpapatalsik sa diktador. Pero hindi naman ganap na nagbago ang sistema. Mga mayayaman pa rin ang makapangyarihan. Wala pang naikukulong na alipores ni Marcos sa pagnanakaw at pang-aapi sa bayan. Nakabalik pa nga ang mga anak sa puwesto at kasama pa ng kaaway ni Cory Aquino sa pagpapabagsak ng kasalukuyang Presidente.
Puro masamang balita ang napapanood, napapakinggan o nababasa. Kundi ginahasa ng ama ang sariling dalagita, pinatay ng binatang lasing sa droga ang buong pamilya. Kundi nakalusot na naman ang isang opisyal sa pangungulimbat, nagkakandarapa ang mahihirap humingi ng balato sa ninakaw. Kundi mangibang-bayan, nagmumukmok dahil naiwan dito.
Sa ganitong demoralisadong sitwasyon natatalo ang isang bansa. Wala mang manlulupig ngayon, sinasakop pa rin ang Pilipinas ng gulo. Naghihintay tayo ng bayaning mala-David, pero walang maglakas-loob.