Mainam na alalahanin din natin na kapag tayoy kumikilos upang magkaroon ng katarungan at kapayapaan sa ating pamayanan, ang ating mga pagkilos ay dapat naaayon sa ating mga kahalagahan bilang mga Kristiyano at naaayon din sa mga umiiral na batas sa ating lipunan.
Sa pagharap sa mga usapin, paglutas ng mga suliranin at sa pang-araw-araw na pamumuhay natin, magandang isaalang-alang ang mga gabay na sinabi ni San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Filipos, na bahagi ng Ikalawang Pagbasa sa ating liturhiya ngayong Linggong ito (Fil. 4:6-9).
"Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip ay hingin ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. At ang hindi malirip na kapayapaan ng Diyos ang mag-iingat sa inyong puso at pag-iisip sa pamamagitan ni Jesus.
"Sa wakas, mga kapatid, dapat maging laman ng inyong isip ang mga bagay na karapat-dapat at kapuri-puri: Mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, kaibig-ibig, at kagalang-galang. Isagawa ninyo ang lahat ng inyong natutuhan, tinanggap, narinig, at nakita sa akin. Kung magkagayon, sasainyo ang Diyos na nagbibigay ng kapayapaan."