Kung magagawa ng pamahalaan na mapakain ng masustansiya ang mamamayan, mababawasan na ang mga mangmang sa bansang ito. Umpisahan sa mga bata ang pagpapakain ng mga masusustansiya para lumaking hindi mangmang at hindi napag-iiwanan ng mga kapwa bata sa kalapit bansa.
Sa survey na isinagawa ng National Statistics Office noong 2003 sa 57,588 milyong Pinoy na may edad 10 hanggang 64, lumalabas na 51 milyon ang marunong sumulat at bumasa. Okey naman. Pero lumalabas pa ring 1 sa bawat 10 Pinoy ay mangmang o hindi marunong sumulat at bumasa. At batay sa survey mas maraming sumulat at bumasa sa mga kababaihan kaysa sa mga kalalakihan. Mas maraming literate na babae kaysa lalaki.
Isa sa mga dahilang maituturo kung bakit mayroon pang mga illiterate na Pinoy dahil sa nararanasang kagutuman. Magkakambal ang dalawa. Ayon sa survey ng Social Weather Stations (SWS), mula August 26 hanggang September 5, 2005, nasa 15.5 percent ng pamilyang Pinoy sa buong bansa ang nakararanas ng pagkagutom. May pagkakataon na wala silang makain minsan isang buwan. Ito ang ikalawa sa pinakamataas na figure na isinagawa ng SWS. Noong nakaraang taon, lumabas sa survey ng SWS na 15.1 percent ang nagugutom na Pinoy.
Ang nadaramang kagutuman ang naging dahilan kung kaya maraming batang mag-aaral ang hindi na nagpapatuloy ng pag-araal. Idina-drop na lamang ang kanilang mga subject. May katwirang mag-drop na lamang ang estudyante sapagkat may pagkakataong hindi sila kumakain minsan sa isang buwan. Ano ang aasahan sa estudyanteng pumapasok sa school na walang laman ang bituka? Tiyak na hindi siya makasusunod sa instructions ng teacher sapagkat ang nararamdaman niya ay ang hapdi ng kanyang hungkag na bituka.
Sa susunod na taon ay ipatutupad na ng gobyerno sa pakikipagtulungan ng Department of Education (DepEd) ang pagpapakain sa mga batang estudyante sa public school. Pakakainin ng nodles na may sapat na vitamins ang mga bata. Ito ay upang maibsan ang nadaramang pagkagutom ng mga bata. Layon ding mabigyan ng sapat na nutrisyon.
Mas maganda kung magtutuluy-tuloy ang kampanyang ito at madagdagan pa sana ang budget ng DepEd para magkaroon ng ulam ang ipamamahaging noodles. Kailangan talagang busugin ang bituka para gumana ang utak.