Lubhang kakaiba nga ang style ngayon para hindi matiktikan habang nagma-manufacture ng shabu. Habang tumatakbo ang sasakyan ay abalang-abala rin naman sa pagluluto ang mga dayuhang Intsik. Ayon sa report, mas maraming nalulutong shabu sapagkat hindi agad natitiktikan. At madali rin namang maitapon ang niluto sakali at matunugan ng mga awtoridad.
Sabi ng isang opisyal ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), may kahirapang ma-detect ang pagma-manufacture ng shabu sa container van o yate sapagkat naglalayag o tumatakbo. Hindi rin maaamoy ang nilulutong shabu hindi katulad kung sa mga paupahang apartment niluluto na masamang amoy ang inilalabas kaya madaling matunugan ng mga residente at naiti-tip sa mga awtoridad. Ang bagong estilo ang dahilan kung bakit hindi nauubos ang supply ng shabu sa kabila na marami nang shabu labs ang nasalakay.
Kung sa yate o trailer van niluluto ang shabu, dapat nang maging vigilant ang mamamayan sa bagong style na ito. Hindi makakaya ng PDEA, pulis at ibang law enforcement agency ang problemang ito kaya dapat makilahok ang taumbayan. Ireport ang makikitang kahina-hinalang yate sa baybaying dagat at baka nagluluto ng shabu. O baka may isang kahina-hinalang trailer van na maligaw sa inyong lugar. I-tip agad at nang masakote ang mga salot ng lipunan.