Mga alahas ni Imelda

HINAHARANG ni dating First Lady Imelda R. Marcos ang Presidential Commission on Good Government (PCGG) sa pagbebenta ng mga nasamsam niyang alahas na nagkakahalaga ng $10 milyon. Nakuha ng gobyerno ang mga alahas nang mapatalsik ang mga Marcoses sa Malacañang nung 1986 matapos ng mahigit na 20 taong diktaturyal na pamamalakad sa Pilipinas. Ipinaglaban ng pamahalaan na ang koleksyon ng mga mamahaling alahas ay bahagi ng hidden wealth ng mga Marcoses.

Naghain si Imelda noong isang araw ng petition for injunction upang pigilan ang pamahalaan na magtanghal ng auction sa mga alahas. Narito sa bansa ang mga experto at mga kinatawan ng auction house na Christie’s upang magsagawa ng inspeksiyon at pag-aaral sa mga ibebentang mga koleksyon ng alahas.

Sinabi ng PCGG commissioner Ricardo Abcede na ang mga Korte sa iba’t ibang pagkakataon ay nagbigay na ng kanilang desisyon na pag-aari na ng pamahalaan ang mga nasamsam na alahas kay Imelda. Pati ang Supreme Court ay ganoon din ang naging hatol kung kaya naniniwala si Abcede na ibabasura na lamang ng Korte ang inihaing petisyon ng dating First Lady na huwag ibenta ng PCGG ang mga nasabing alahas.

Maganda ang ibinigay na dahilan ng PCGG kung bakit nila ipagbibili ang mga alahas. Gagamitin daw ang salaping makukuha dito sa land reform program ng pamahalaan na ang mga mahihirap ang makikinabang. Nagiging paksa ng usap-usapan ang bagay na ito sapagkat marami ang nagpapahayag na baka sa iba mapunta ang malilikom na salapi mula sa bilihan ng mga alahas.

Upang maging maliwanag ang kanyang katayuan, dapat lamang na ipahayag ni Mrs. Marcos ang kanyang dahilan kung bakit tutol siyang ipagbili ng PCGG ang mga alahas. Dapat ring maging malinis at maliwanag ang bilihan ng mga alahas upang mawala ang pagdududa ng taumbayan.

Show comments