Personal kong nakausap ang ina ng biktima at isinalaysay niya sa akin ang mga pangyayari. Batay rin ito sa kanyang Sinumpaang Salaysay.
Nagpaalam si Fernando sa kanyang ina na kasama ang kanyang kaibigan na si Cesar Vargas na dadalo lamang sa 18th birthday ng kanyang ex-girlfriend na si Shirley Pineda noong March 1, 2005, sa #53 Purok 3, Santol Ext., New Cabalan, Olongapo City.
Umalis sila ng alas nuwebe ng gabi. Ito na ang kahuli-hulihang beses na nakita niyang buhay ang kanyang anak.
Nabalitaan na lang daw niya na ang anak niya ay napatay dahil nabasag ang bungo nito sa kaguluhan na nangyari sa loob ng bahay ng kanyang ex-girlfriend na si Shirley.
Batay sa impormasyong nakalap ng mga imbestigador ng Olongapo Police, nagkaroon ng kaguluhan sa bahay ng mga Pineda ng itoy pagmulan ng mapinahan ng sasakyang lulan itong si Fernando ang mga binata sa lugar na yun na galing lamang sa paglalaro ng basketbol.
Kinilala ang mga lalakeng naglalaro ng basketbol na sina Rowell Montilla, Robert Gatdula, Jesus Corpus at Roy Balaga.
Ayon sa mga testigo mula sa panig ng mga Pineda ang ikinagalit nitong apat na binata ng pagdaan ng sasakyan sa harapan nila ay muntik ng masagi ang mga ito. Hinabol diumano ng apat na lalake ang sasakyan hanggang pumarada ito sa tapat ng bahay nina Pineda.
Si Fernando ang nakasagupa ng mga suspect at sa rambulan na nangyari, nabato daw sa ulo itong si Fernando na ikinasabog ng kanyang bungo.
Agad namang dinala sa James Gordon Memorial Hospital si Fernando subalit namatay rin ito dahil sa Cerebral Hemmorhage.
Ang apat na kinilalang suspect ay kinasuhan ng Homicide ng Prosecutors Office ng Ologapo. Nakapagpiyansa ang mga ito para sa kanilang pansamantalang paglaya.
Iba naman ang bersyon ng apat na suspect tungkol sa pangyayari.
Ayon sa kanila, habang silay naglalakad at natapat sa bahay ng mga Pineda bigla na lamang sila hinatak papasok at doon sila ay binugbog. Lumabas ang ilang mga bisita upang usisain ang nangyayari.
Nakita na lamang ni Cesar si Fernando na nakabulagta sa isang maliit na eskinita katabi ng bahay ng mga Pineda. Nakadapa ito at hindi na gumagalaw. Ipinasok sa loob ng bahay at inihiga na lamang sa sofa. Lumipas pa ang ilang oras bago pa ito maisugod sa ospital. Noong nasa ospital na at binibigyan ng CPR ang biktima ay hindi na ito gumagalaw.
Duda si Mrs. Petilo na ang anak niya ay napatay sa rambol ung apat na hinuli at kinasuhan. May pakiramdam siya na merong mas malalim na dahilan sa likod ng pagkapaslang ng kanyang anak.
Nagtataka siya kung bakit ilang oras ang lumipas bago itinakbo sa ospital ang kanyang anak,
"Kung naitakbo nila ito sa ospital, maaring naisalba pa ang kanyang buhay. Hindi agad binigyang pansin ang tinamo ng sugat ng kanyang anak kaya hindi na nabigyan pa ng lunas noong ito ay dalhin sa ospital," mariing sinabi ni Mrs. Petilo.
Sinampahan niya ng kaso ang mga taong pinaghihinalaan niyang may kinalaman sa pagkamatay ng kanyang anak batay na rin sa mga ipinagtapat ng kanyang anak sa kanya bago nangyari ang insidente.
Isinasangkot niya ang pamilya nung dating girlfriend ng kanyang anak, si Shirley at ang mga kapatid nito na sina Gary at Rogelio Pineda. Isang Mario Elago at Anthony Llado ang nasama rin sa demanda na nagdadalamhating ina.
Ito ngayon ay nasa Preliminary Investigation at ang inuugnay niyang "mastermind" diumano sa pagpatay sa kanyang anak ay si Severino Chen, ang kasalukuyang boyfriend daw nitong si Shirley.
Sa puntong ito nais kong iparating sa mga taong naiugnay sa kasong ito na bukas ang aking tanggapan kung gusto nilang magbigay ng kanilang panig sa ngalan ng isang balanse at parehas na pamamahayag.
ISANG testigo rin na kapitbahay ng mga Pineda ang lumutang at nagbigay ng kanyang sinumpaang salaysay na nagpalakas ng kutob ni Mrs. Petilo na ang apat na dinampot at kinasuhan ay mga "fall guys" lamang upang pagtakpan ang tunay na motibo sa pagpatay sa kanyang anak.
Sinabi rin ni Mrs. Petilo na nabanggit sa kanya ng kanyang anak na pinagbantaan ni Severino Chen, matandang manliligaw ni Shirley ang buhay nito. Maaaring nagseselos ito kay Fernando o baka may natuklasan ang kanyang anak tungkol sa mga aktibidades nitong si Chen.
Ang tinutukoy niyang testigo ay si Merlinda Cabrito na taga duon din sa lugar na yun.
SA BIYERNES, ilalathala ko ang sinumpaang salaysay ng testigong ito na maaring mabigay linaw sa mga pangyayari sa sa bahay ng mga Pineda nung araw na maganap ang trahedya.
MGA KAIBIGAN, nais ko lamang ulitin na duon sa mga gustong dumulog sa "CALVENTO FILES" o sa aming programa nila Secretary of Justice Raul Gonzalez at Prosecutor Olivia Non, "HUSTISYA PARA SA LAHAT" maari kayong pumunta sa 5th floor, CityState Center Bldg., Shaw Blvd. Pasig City.
Personal ko kayong haharapin at pakinggan ang inyong mga legal problems, pati na rin ang mga biktima ng Krimen at Karahasan.
MAARI KAYONG TUMAWAG SA AMING TANGGAPAN 638-7265, 637-3965-70 O DI KAYA MAGTEXT SA 09213263166 O SA 09209672854.