Ang basura ay isang problemang nararapat pagtulungang solusyunan ng pamahalaan at ng mga mamamayan. Kung kaya naman ngayong Setyembre, lalo pat Philippine Clean-Up Month ay pinaiigting ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), sa pangunguna ng Environmental Management Bureau (EMB), at ng mga regional offices nito, ang kampanyang "Bawas Balot, Bawas Basura Para sa Malinis na Estero". Sa kampanyang ito, ka-partner natin ang mga tagapamahala at mga vendors association ng mga palengke, sa paghihikayat sa mga mamimili na gumamit ng bayong upang mabawasan ang paggamit ng labis-labis na pambalot sa mga pinamimili. Ang mga "plastik" na pambalot kasi ay bahagi sa tone-toneladang basurang bumabara sa ating mga ilog at estero.
Kaugnay nito, isang seremonya para sa paglalagda ng Memorandum sa Kasunduan ng "Bawas Balot, Bawas Basura" ang ginanap sa San Juan nitong Setyembre 14. Nilahukan ito ng DENR, sa pamamagitan ng EMB at ng tanggapan nito sa National Capital Region (NCR), mga tagapamahala ng Agora Market at kinatawan ng kanilang Vendors Association at mga kinatawan ng iba pang piling mga palengke sa lungsod ng Maynila, Makati at Quezon. Ang mga pamilihang nakilahok sa seremonya, bukod sa Agora Market, ay ang Paco Market, Padre Rada at Asuncion Talipapa, Quinta Market, Pritil Market, Dagonoy Market, Bambang Market, Sta. Ana Market, Arranque Market, Wagas Market, Obrero at Antipolo Market, Dapitan Market, Gagalangin Public Market, L and Y Pamilihan, Inc., Guadalupe Commercial Complex, Poblacion Market, Pio del Pilar Market, Kamuning Market at Murphy Market.