Sa pamamagitan ng PSN reporter na si Ed Amoroso, naglakas-loob ang mga magulang ni Francisco Geca, alyas "Nanding" (pinaghihinalaang suspek) na lumapit sa akin upang ihayag ang tunay na pangyayari at upang mabigyan ng pagkakataon na maiparating sa mga pulis na nagsangkot sa krimen.
Napilitang magtago si Geca matapos sampahan ng murder sa City Prosecutor Office at walang piyansang nakalaan. Hugas-kamay lamang ang mga pulis sa ginawang pagsangkot kay Geca upang maipakita sa mga taga-Calamba na nagtatrabaho sila. Mariin nilang tinukoy si Geca na may kagagawan ng lahat upang maiganti ang pagkamatay ng kanilang kabaro.
Napaniwala ng mga tiwaling imbestigador ang ulo ni P/Supt. Ronald Bustos, hepe ng Calamba Police, sa kanilang isinumiteng report. Ika ngay kahit hilaw ang imbestigasyon ay isinubo na kaagad sa bunganga ni Sir, he-he-he! Ano ba yan, mga suki!
Calling! PNP Chief Director General Arturo Lomibao, paki hambalos mo po itong mga pulis-Calamba upang hindi na sila pamarisan ng iba pa nating matitinong pulis sa buong bansa. Isailalim mo sa masusing imbestigasyon ang mga iyan at marahil, marami pa kayong matutuklasang baho sa kanilang hanay.
Dahil sa naturang krimen, maging si Vice Mayor Oruga ay naiipit sa naturang usapin sa kadahilanang ang tatlong suspect ay kanyang mga bodyguard at pinsan naman ng kanyang maybahay ang asawa ng biktima. Kaawa-awa naman si Oruga, naipit sa nag-uumpugang pader, he-he-he! Ang mabuti nyan Sir, magsagawa ka rin ng masusing imbestigasyon upang mawala ang haka-haka ng mga taga-Calamba na may kinakatigan ka.
Posibleng sumuko sa akin si Geca upang linisin ang kanyang pagkatao at isiwalat ang katotohanan na nag-uugnay sa kasong pagpatay kay SPO1 Maglinao. Sa kasalukuyan, patuloy ang aming ugnayan ng mga magulang ni Geca sa agarang pagsuko.
Geca, huwag kang matakot at nasa likod mo ako. Handa kitang bigyan ng proteksiyon sa lahat ng oras. Sa kasalukuyan ay nakikipag-usap na ako sa mga opisyal ng ating kapulisan na maggigiya sa iyo upang harapin ang akusasyon. At upang mabigyan naman ng katarungan ang pagkamatay ni Maglinao. Abangan!