Sa Pilipinas lang din walang kadala-dala ang highways officials sa paggawa ng tulay patungo sa kawalan. Lumalabas na nung panahon ni Public Works and Highways Sec. Florante Soriquez, umutang ang Arroyo Administration sa Britain ng £98 milyon, tinumbasan ng P780 milyon, para sa kabuuang P9 bilyon, para paggawa ng tulay na walang destinasyon.
Ikinalat ang pondo sa mga senador, kongresista at governor: Tig-P15 milyon hanggang P80 milyon para sa two-lane concrete bridges. Kung saan-saan winaldas ang pera, ayon sa audit ng Sinag Bayan Foundation:
May tulay sa ibabaw ng irrigation canal tungo sa putikan (Moncada, Tarlac). May tumawid ng batis tungo sa, oops, dead end na gubat (Makato, Aklan). May nasa gitna ng palayan (Diplahan, Zamboanga Sibugay); may tumawid sa matagal nang tuyong estero (San Carlos City, Pangasinan).
Makapal ang konkreto ng two-lane bridges. Pero nasayang lang ito dahil naging foot bridge lang sa pagitan ng mga makitid na daan-kalabaw (Sarrat, Ilocos Norte; Makato, Aklan, Padada, Davao del Sur; Latayan, Sultan Kudarat; Pototan, Iloilo; Mlang at Sto. Niño, South Cotabato).
May mga tulay na ni hindi magamit dahil wasak ang kalsada sa magkabilang panig (Makilala, North Cotabato), o kayay lubog sa putik tuwing tag-ulan (Prosperidad, Agusan del Sur). May huminto sa lupaing pribado kaya binarikadahan ng may-ari (Balasan, Iloilo). May kulang sa tornilyo ang bakal (R.T. Lim, Zamboanga Sibuhay, at Bayog, Zamboanga del Sur). May lumundo na lupa sa magkabilang dulo ng tulay (Kabasalan, Zamboanga Sibugay). May nalulubog sa tubig-ilog tuwing ulan (Diplahan, Zamboanga Sibugay).
Nilustay ang pera sa halos 40 tulay. Pero babayaran natin lahat ito.