Si Gina ay Section Chief ng BIR sa Tuguegarao, Cagayan. Noong March 14, 1996, bandang 3:00 ng umaga, ang airconditioned bus na sinasakyan ni Gina patungong Tuguegarao mula sa Manila ay nahulog sa isang bangin dahil sa bilis ng takbo. Namatay si Gina at marami pa ang nasugatan. Noong May 14, 1996, nagsampa ng kaso ang asawa ni Gina na si Rolly at tatlo niyang anak laban sa kompanya ng bus. Sagot naman ng kompanya ng bus na isang aksidente lamang ang nangyari dahil sa loob ng 50 taong operasyon, pangunahing pag-iingat daw ang kanilang ginagawa.
Madalas ipagpaliban ang pagdinig ng kaso. Wala ring nangyari sa pag-uusap ng dalawang partido kayat nagpatuloy ang pagdinig dito. Pinatunayan ni Rolly na hindi lamang sila apektado sa pagkamatay ni Gina kundi nawalan din sila ng kabuhayan. Sinabi ni Rolly na si Gina ay 38-anyos lamang at sumusuweldo ng P83,088. Dapat lamang daw bayaran ng kompanya ang lahat ng kanyang sinisingil. Dahil sa makailang ulit na hindi pagsipot ng abogado ng kompanya, ang kaso ay dinisisyunan na. Napatunayan na may kasalanan ang bus company dahil sa "breach of contract" at dahil sa walang ingat na pagmamaneho na nagresulta sa aksidente. Kasama sa danyos na babayaran ay dahil sa kawalan ng hanapbuhay. Inatasan silang magbayad ng P1.5 million ngunit itoy binabaan ng Court of Appeals sa halagang P1,135,563.10. Tama ba ito?
MALI. Kinakailangang may dokumentong katibayan ang pagkawala ng kapasidad ng naghahanapbuhay. Base lamang sa testimonya ni Rolly ang ginawang computation ng RTC at CA kaya ito ay mali. Hindi kailangan ng dokumento kung (1) ang namatay ay may sariling kabuhayan at kumikita ng kulang pa sa minimum wage sa ilalim ng batas; (2) ang namatay ay namamasukan ng arawan ngunit kumikita ng kulang pa sa minimum wage sa ilalim ng batas. Sa mga sitwasyong ito, may Judicial notice na talagang walang dokumentong maibibigay.
Ngunit sa ilalim ng Article 2224 ng Civil Code, kinakailangang bayaran ang "temperate or moderate damages" sina Rolly sa pagkawala ng kabuhayan ng biktima sa halagang P500,000 maliban sa P50,000 dahil sa pagkamatay ni Gina, P100,000 moral damages, P100,000 exemplary damages, P78,160 actual damages at 10% attorneys fees at gastos sa kaso. May interes din ito na 12% per annum hanggang sa matapos ang kaso. (Victory Liner Inc. vs Gammad et, al., G.R. 159636, November 25, 2004)