Si Lincoln, nahalal sa Kongreso nung 1846; si Kennedy, nung 1946. Naging Presidente si Lincoln nung 1860; si Kennedy, nung 1960. Kapwa sila abala sa pagsulong ng karapatang sibil, lalo na ng mga Negro. Ang mga asawa nila, parehong namatayan ng anak sa White House. Parehong pinatay sina Lincoln at Kennedy habang nasa puwesto, at parehong Biyernes. Parehong binaril sa ulo.
Tila koinsidente lang lahat? Heto pa:
Ang apelyido ng sekretarya ni Lincoln ay Kennedy; ang sekretarya ni Kennedy ay Lincoln. Ang pumaslang sa kanila, parehong taga-South. At ang pumalit sa kanilay pareho rin taga-South na ang apelyidoy Johnson. Si Andrew Johnson na humalili kay Lincoln ay pinanganak nung 1808; si Lyndon Johnson na pumalit kay Kennedy ay nung 1908. Si John Wilkes Booth na pumatay kay Lincoln ay sinilang nung 1839; si Lee Harvey Oswald na pumatay kay Kennedy, nung 1939. Pareho silang kilala sa tatlong pangalan, at parehong tig-15 letra.
Tiyak, hindi na koinsidente ang mga ito:
Si Lincoln, pinatay sa Ford Theater; si Kennedy, pinatay nang sakay sa Ford limousine. Pagkabaril kay Lincoln sa teatro, tumakbo ang salarin sa isang bodega. Pagkabaril kay Kennedy mula sa isang bodega, nagtago ang salarin sa isang teatro. Parehong pinaslang sina Booth at Oswald bago maisakdal. Isang linggo bago mapatay si Lincoln, pumasyal siya sa Monroe, Maryland. Isang linggo bago mapatay si Kennedy, nasa piling siya ni Marilyn Monroe.
Malinaw sa pagkakabuhol ng tadhana nina Lincoln at Kennedy na may mga mahiwagang puwersang nagbabantay sa mga lider-politika. Ang puwersang ito ay nasa Kalangitan. Kaya dapat lang magpakatino ang mga pulitiko, dahil lahat ng kilos nila ay hindi lang panlupa.