Si Quezon at ang wika

Buwan ng Agosto ay Buwan ng Wika

At sa buwang ito ay ginugunita:

Si Pangulong Quezon at mga ginawa

Na pawang naukol sa unlad ng bansa!

Si Quezon ang unang gumawa ng hakbang

Upang itong wika’y mabuo’t malinang;

Isang kautusan kanyang nilagdaan

Surian ng Wika -— itatag sa bayan!

Mga makabaya’t dalubhasang tao

Kanyang inatsang pag-aralan ito;

Kaya ang resulta’y matatas na tayo

Sa iisang wika -— Wikang Filipino!

Malayang lipunan kanyang inambisyon

Kaya itong bansa ay malaya ngayon;

Doon sa Batasan, sa lunsod at nayon

Ang kapayapaa’y may gintong panahon!

Saka nang ang bansa’y sakupin ng Sakang

Si Quezon ang unang nagpakitang tapang;

Siya ang namuno sa malayang bayan

Upang kalayaa’y ating ipaglaban!

Karamdaman niya ay hindi pinansin

Kahi’t sa ibayo ay lumaban pa rin;

Kaya ang paglayang ngayon ay kapiling

Ay may social justice sa bawa’t hakbangin!

Kahi’t nang sandaling tawagin ng Diyos

Kanyang sakripisyo’y di matapos-tapos;

Ang puso at diwa ay handog na lubos

Upang itong lahi ay agad matubos!

Ang habilin niya nang bago lumisan:

Tayong Pilipino’y laging magmahalan,

Huwag tayong sakim at huwag manlinlang-—

Mahalin ang kapwa -— iangat ang bayan!

Show comments