Susi ng katiwasayan

Sa araw na ito, pinili namin ang Unang Pagbasa sa ating liturhiya ngayon. Hindi lamang ito napapanahon, kundi tuwi-tuwina’y isang paalaala sa ating lahat kung ano talaga ang ibig sabihin ng tunay na pagsamba sa Diyos.

Ang pagbasa’y hinango sa sulat ni San Pablo sa mga taga-Roma 12:1-2.

"Kaya nga, mga kapatid, alang-alang sa masaganang habag ng Diyos sa atin, ako’y nananawagan sa inyo: Ialay ninyo ang inyong sarili bilang handog na buhay, banal at kalugud-lugod sa kanya. Ito ang karapat-dapat na pagsamba ninyo sa Diyos. Huwag kayong umayon sa takbo ng mundong ito. Magbago kayo upang mabatid ninyo ang kalooban ng Diyos -— kung ano ang mabuti, ang nakalulugod sa kanya at talagang ganap.

Ang hamon sa atin ay ialay ang ating sarili bilang handog na buhay —- palaging iniisip kung paano makasunod sa kalooban ng Diyos, ang gumawa ng mga bagay-bagay na mabuti at nakakalugod sa Kanya.

Datapwat sa ating pamumuhay sa mundo at sa galaw ng ating mundo, kadalasa’y napakahirap mabatid ang kalooban ng Diyos, lalo pa’t kung tayo’y nasanay na basta na lang kumayod sa araw-araw, subukang lutasin ang mga problemang ating kinakaharap, at isaayos ang mga bagay-bagay na ating mga dalahin sa ating pamumuhay.


Gayunman, ibinigay sa atin ni San Pablo ang sekreto ng pagkakaroon ng katiwasayan sa buhay: "Huwag kayong umayon sa takbo ng mundong ito… magbago na kayo…" Kung uunahin natin ang Panginoon – ang pagsamba sa Kanya ayon sa kanyang ipinapanukala -— tiyak at garantisado na magiging matiwasay ang ating pamumuhay sa mundong ito.

Show comments