Pagdating sa station, nadatnan nila ang pulis na si Ipe at dalawang kasamahan na nag-iinuman. Hinikayat ni Ipe sina Islaw na makipag-inuman ngunit tumanggi ang mga ito at pumunta na lang sa desk officer. Siya namang dating nina Dino at Temyong at hiwalay na kinausap si Ipe. Pagkaraan, nilapitan ni Ipe si Islaw, tinulak ito sa dinding, ikinasa ang baril at tinutok sa mukha ni Islaw at sinabing ano uutasin na kita. Nang mamagitan si Kiko, nagalit si Ipe at sinabing, walang press-press sa akin.
Nagkasagutan sina Kiko at Ipe hanggang napalo ni Ipe si Kiko ng kanyang baril. Bumagsak si Kiko sa sementadong sahig na duguan at noong tatayo pa ito, sinipa at sinuntok ni Ipe. Hindi nakatayo si Kiko. Dinala sa ospital kung saan namatay.
Kinasuhan si Ipe ng homicide dahil sa pagkamatay ni Kiko. Tumanggi si Ipe at sinabing si Kiko ang sumuntok sa kanya ng dalawag beses at itoy nailagan niya. Dahil lasing na lasing daw si Kiko, itoy bumagsak sa semento ng dalawang beses at tumama ang ulo. Ngunit sinentensiyahan pa rin siya ng mababang hukuman batay sa testimonya ni Islaw na pinangalawahan ng voice recording ng lahat ng pangyayari na pinadinig sa Korte.
Kinuwestiyon ni Ipe ang desisyon. Hindi raw dapat naniwala ang korte kay Islaw dahil may sama ng loob ito sa kanya. Ang voice recording naman daw ay hindi maaaring gamiting ebidensiya laban sa kanya dahil itoy nakuha nang labag sa RA 4200. Tama ba si Ipe?
MALI. Ang ipinagbabawal ng batas ay ang pagharang, pakikinig at pag-record ng pribadong usapan. Ang usapang marahas nina Ipe at Kiko ay hindi naman pribado dahil ito ay nangyari sa police station sa harap ng ibang mga tao. Napatotohanan naman ni Islaw na siya ang nagrekord; na yung tape na pinarinig niya sa Korte yung ni-rekord niya at ang mga nag-uusap dito ay sina Ipe at Kiko. Kaya maaaring tanggaping ebidensiya ang nasabing tape. Tama lang ang sentensiya ng mababang hukuman (Navarro vs. Court of Appeals 313 SCRA 153).