Malaki ang problema sa edukasyon kung ang pagbabatayan ay ang ipinakikitang kahinaan ng mga estudyante. Imagine, anim lamang sa 100 Grade 6 students ang maaaring makapagha-high school at dalawa naman sa high school ang maaaring makapagkolehiyo.
Mabigat ang problemang ito at maitatanong kung ano na ang nangyayari sa sistema ng edukasyon?
Ayon sa NGO na nag-aral at nagsaliksik, ang kahirapan at ang kakulangan ng resources at bulok na pamamahala ang dahilan kung bakit mababa ang kalidad ng edukasyon. Itinuturo ring dahilan kung bakit mahihina ang mga estudyante ay sapagkat mahihina rin ang mga guro. Problema rin ang kakulangan ng mga classrooms at mga textbooks. Isa sa bawat tatlong estudyante ay walang libro at dalawa sa walong estudyante ay naghihiraman sa isang libro.
Ang mga iyan ay ilan lamang sa mga problemang naglilitawan at itinuturong dahilan kung bakit maraming estudyanteng bopols sa kasalukuyan.
Kamakalawa, mayroon na namang lumitaw na dahilan na maaaring ituro sa pagkabobo ng mga estudyante. Iyan ay ang mga maling grammar sa English at Social Science textbooks. Ang nakadiskubre ng mga mali sa textbooks ay ang mga taga-Department of Education (DepEd) mismo. Nakakita sila ng 130 grammatical errors sa textbooks.
Magandang malaman na ang mga taga-DepEd na ang nakadiskubre sa mga maling grammar kaysa ibang tao. Nalalagay sa masamang imahe ang DepEd kapag ibang tao pa ang nakakita sa mga depekto ng librong ipinamamahagi sa mga public schools. Noong nakaraang taon, nadiskubre ng isang school administrator sa Novaliches, Quezon City ang mga maling impormasyon at grammar sa history book na nakasulat sa Filipino. Ang pagkakadiskubre sa mga mali ang naging daan para maghigpit na ang DepEd sa mga local publishers. Dadaan sa masusing pagsusuri ang mga textbooks bago magkaroon ng bidding. At ang kasunduan, irerebisa ang textbooks tuwing ikalimang taon.
Dapat lamang na ang mga libroy walang mali para ang mga estudyantey hindi mabungi.