Mahirap ding maintindihan ang plunder case laban kay dating President Erap Estrada. Kahit na nakakulong, may mga balitang hindi isang bilanggo si Erap sapagkat pinapayagan naman itong gawin ang bawat naisin. Nangyayari raw ito dahil sa pulitikahan kung kaya pati diumano si Senator Loi at anak na si Jinggoy ay hindi nahirapang manalo bilang mga senador kahit na mahigpit na kalaban ng administrasyong Arroyo.
Mahirap maintindihan ang nangyayari kay Sen. Ping Lacson. Sa tindi ng paninira at pagbanat ni Ping kay GMA, inaasahan na gagantihan ito ng kampo ng Presidente. Tutal naman, hindi lamang tungkol sa Kuratong Baleleng ang ikinakaso kay Ping kundi marami pa. Pero, ayun, hindi lamang nalusutan ang mga kaso niya kundi nanalo pang senador at nilabanan pa si GMA sa pagka-pangulo. Nangyari ito dahil sa pulitika.
Sa Pilipinas, malaki ang kinalaman ng salapi at pansariling interes sa pulitika kaya tinataguriang bulok ang pulitika sa ating bansa. Sa pulitika, walang permanenteng kaibigan at wala ring permanenteng kalaban. Depende ang lahat kung ano ang makakabuti sa sarili. Puwede ring mangyari yung kunwari, magkalaban sa pulitika, yun pala, may cashunduan. Sa dumi ng pulitika, hindi na makita kung ano ang tama at kung ano ang mali.