Sinabi ng taga-Manila police na kausap ko, na karamihan sa mga inaaresto ng tropa ni Jaylo ay mga foreigner kasi nga hindi nila alam ang tunay na kalagayan ng PAIRTF. Sa loob ng nagdaang linggo, tatlong Koreano raw ang naaresto ng mga bataan ni Jaylo at tumataginting na P10 milyon ang isinuka ng mga ito, ayon sa Manila police na nakausap ko. Wow!!! Laking halaga naman niyan ah. Ang isa sa mga Koreano na dinampot ng PAIRTF ay si Mr. Kim na umanoy isang illegal recruiter. Si Kim na may-ari ng fogging machines ay dinala sa PAIRTF office sa Rizal Memorial complex sa Manila. Pinakawalan lang si Kim sa pakikialam ng consul ng Korean embassy, anang pulis Maynila. Paano papasok sa bansa ang mga foreign investors kung patuloy ang ganitong operation ng PAIRTF? Hindi ba taliwas din ito sa panawagan ni GMA? He-he-he! Goodbye na lang sa future ng recruitment industry natin!
Inaresto rin ng PAIRTF si Melba Bulotano noong nakaraang linggo dahil sa illegal recruitment. Ang huling balita ng kausap kong pulis-Maynila, no bail ang naging hatol kay Bulotano. Pero pansamantala ang delubyo sa buhay ni Bulotano dahil tiyak pakakawalan din siya ng husgado sa technicality na expired na ang life-span ng PAIRTF.
Bakit kaya patuloy na sinusuway ng PAIRTF ang gustong mangyari ni Sto. Tomas? May sarili kaya silang batas na pinairal o may kumikinang na dahilan?
Sa totoo lang, ang mga legitimate recruitment industry ang nag-udyok kay GMA para itatag itong PAIRTF sa akalang matutulungan sila ni Jaylo para habulin ang mga illegal recruiters na sumisira sa kanilang negosyo. Pero sa ngayon, samut saring reklamo na ang ibinabato nila sa PAIRTF, na sa tingin na kausap kong pulis-Maynila, ay walang balak na magsara ng opisina.
Dapat siguro maglagay ng monitoring camera si Sec. Sto. Tomas sa labas ng opisina ng PAIRTF para mapatunayan na buhay na buhay ang naturang opisina at maraming foreigner itong bisita.
Abangan!