Pagpapawalang-bisa sa bilihan

TSINOY businessman si George. Itinayo niya ang CCI Inc. kasama ang kanyang unang asawa na si Laura, ang dalawa nilang anak na sina Bennie at Jack at ang kanyang pangalawang asawang si Nita. Matapos maitatag ang korporasyon, bumili sila ng dalawang lote na may sukat na 5,000 square meters sa Metro Manila. Sa pamamagitan ng korporasyon, humiram si George ng pera sa kanyang mga anak; P500,000 kay Jack at P200,000 naman kay Bennie. Ang perang ito’y hiniram nila sa kanilang ina na si Laura na naninirahan pa noon sa Hong Kong. Pagkalipas ng dalawang taon, namatay si George na naging dahilan ng paglayo nila kay Nita at pagkakaroon nila ng alitan. Sapagkat siya’y nakatira sa Pilipinas, siya na rin ang namahala ng CCI.

Lalo pang lumaki ang kanilang alitan nang pagbawalan ni Nita si Laura at ang kanyang mga anak na gamitin ang pag-aaring lupa at gusali ng CCI. Hiniling niya na lisanin na nila ito. Upang hindi na lumaki pa ang away, namagitan si Mr. Chua na isang malapit na kaibigan ni George. Napagkasunduan nila na ang dalawang lupa ng CCI na may sukat na 5,000 square meters ay bibilhin ng CLI na kompanya nila Bennie at Jack sa halagang P800,000 Pinirmahan ni Nita para sa CCI ang deed of sale sa harap ni Mr. Chua. Nakasaad dito na kanyang tinanggap ang halagang P800,000. Ngunit sinabi niyang hindi talaga niya natanggap ang nasabing halaga. Nagtiwala lang daw siya kay Mr. Chua na naggarantiya na makukuha niya ang kabayaran sa susunod na araw. Nang walang bayarang naganap, nagsampa siya ng kaso upang mapawalang-bisa ang bilihan.

Bilang depensa, sinabi ng CLI na walang bayarang naganap sapagkat ang halagang P800,000 ay babayaran ng paunang bayad na P100,000 at ang balance na P700,000 ay bilang kabayaran sa inutang ni George kay Bennie na P500,000 at P200,000 naman kay Jack. Maaari bang maipawalang bisa ni Nita ang bilihan?

MAAARI.
Bagamat nakapirma si Nita sa deed of sale na natanggap niya ang halagang P800,000, ang pagbabayad nito sa pamamagitan ng P100,000 cash at P700,000 bilang ‘‘off-setting’’ sa utang ng CCI kay Bennie at Jack ay hindi balido. Ang CCI at CLI ang mga pangunahing partido sa deed of sale.

Ang utang na P700,000 ng CCI ay inutang kay Bennie at Jack at hindi sa CLI. Samantala, sina Jack at Bennie ay hindi mga partido sa deed of sale kaya wala silang karapatang i-‘‘off set’’ ang utang ni George o CCI bilang kabayaran sa bilihan ng lupa. Kaya walang bayarang naganap sa bilihang ito. Maaaring ipawalang-bisa ni Nita ang deed of sale (CKH Industrial and Development Corp. e. al. vs. Court of Appeals, et. al. GR 111890 May 7, 2004).

Show comments