Sa isang press conference na ipinatawag ng Armed Forces of the Philippines kamakalawa, nabunyag na ang witness ni Sen. Panfilo Lacson na si Army Capt. Marlon Mendoza ay sinibak sa Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) dahil sa pagbebenta ng mga pekeng ISAFP ID at mission order. Pati ang "kaibigang karnal" (in the opposite sense of the word) ni Lacson na si Mary "Rosebud" Ong ay agad lumantad upang sabihing binentahan din siya ng pekeng mission order at ID ni Mendoza.
Parang boxing ang giyera-politikal. Punches and couunter-punches. Suntok, ilag, ganti. Kung minsan may headbutting at below the belt pang bigwas. Sino ang bugbog sarado? Hindi ang administrasyon, o oposisyon kundi ang taumbayan na sagad na sa kunsumisyon.
Pinaparatangan ng Malacañang si Lacson na siyang naghahakot ng mga "bayarang testigo" at sumusulat ng script para sa mga mga ito. Sagot ni Ping - yamang iginigiit ito ng Palasyo, tototohanin niya ang alegasyon, Magsisimula na siyang maghakot ng mga testigo.
Sa nangyayaring paglutang at pagbaligtad ng mga testigo, nawawalan na ng kredibilidad ang buong isyu. Ang totoong testigong nagmamalasakit sa bayan ay hindi babaligtad kahit tapalan ng salapi o pabor. Lumilitaw na ang nangyayari ngayon ay isa lamang maruming laro sa pulitika. Hindi lang ang Presidente ng bansa ang talo porket nalalason ang isip ng marami. Naniniwala sa mga akusasyon laban sa kanya. Ang tunay na talo ay ang mamamayang Pilipino. Lugmok na ang kabuhayan at ang pobreng mamamayan ang nahihirapan.
Sa pagsulpot ng mga testigo, ang unang pinagbubugahan ng kanilang eksposey ay ang media. Sa kanilang pag-atras, media pa rin ang ginagamit na instrumento ng komunikasyon. Malinaw na itoy political grandstanding.
Kung may darating pang mga testigo, makabubuting silay ireserba sa napipintong impeachment proceedings. At iyan ang dapat pag-ukulan ng pansin ng oposisyon upang agad maisampa sa Senado ang kaso at maumpisahan ang pagdinig.
Sa nangyayari ngayon, nakukondena na ang Pangulo without the benefit of due process.