Matagal na ang problemang ito at marami na ring Presidente ng bansa ang umokupa sa Malacañang subalit ang problema ay nananatilng problema. Marami na ring DSWD ang nagsilbi subalit walang nagawa para malutas ang problema ng malnutrisyon at kahirapan sa ARMM. Ang ARMM ay nilikha noong 1989 sa pamamagitan ng Republic Act 6734 ay may hurisdiksiyon sa administrative organizations, family relations, natural resources, economic at social and tourism development. Pero sa kabila niyan, patuloy pa rin ang kaguluhan doon sapagkat marami ang ayaw pasakop sa ARMM. Gustoy magkanya-kanya kagaya ng ginawa ni dating ARMM Gov. Nur Misuari na sa halip paunlarin ang kanyang nasasakupan ay ang sarili muna ang inuna. Walang nagawang kaunlaran si Misuari sa nabanggit na rehiyon. Tinuruan pang magrebelde ang mga taga-roon.
Sagad sa kahirapan ang buhay ng mga taga-ARMM na lalo pang pinalubha nang walang tigil na pagsasabog ng lagim ng mga teroristang Abu Sayyaf. Iniiwasan ang nasabing rehiyon sa takot na makidnap at mapatay ng mga walang kaluluwang Sayyaf na pera lamang ang hanap. Hanggat hndi nauubos ang mga Abu Sayyaf hindi magkakaroon ng katahimikan sa Mindanao.
Hindi masisisi ang dating US Embassy Charge d Affaires na si Joseph Mussomeli nang ilarawan ang bansa na tulad ng Afghanistan dahil sa grabeng kahirapan. Sinabi ni Mussomeli na walang nangyayaring pagbabago sa Mindanao dahil sa kakulangan ng educational opportunities at dahil na rin sa pananatili ng mga foreign Islamic terrorists.
Malaking hamon sa ihahalal na ARMM governor ang kinabukasan ng mga bata sa kanyang nasasakupan. Unahin ang problemang ito.