Impeachment case halatang inapura

SAYANG ang maagang pagpuri ko kay Rep. Ronaldo Zamora sa pagkinis ng impeachment case laban kay Gloria Arroyo. Dahil bar topnotcher siya, akala ko’y lalakas ang kasong apurahang sinampa ni Oliver Lozano, abogado nina Joseph Estrada at Fernando Poe Jr. na ayaw pagtiwalaan ng Oposisyon. ‘Yun pala, apurahan din ang pinagmalaking pagkinis.

Bukod sa paratang na pandaraya sa eleksiyon, dinagdag sa kaso ang corruption. Inakusahan si Arroyo ng pagtatago ng ari-arian sa Pilipinas at Amerika imbis na ilista sa Statement of Assets and Liabilities. Maigi sana ‘yon; mapapatunayan sa paglahad ng mga titulo ng lupa. Pero isiningit ang mga walang katorya-toryang paratang. Hindi na bale ang umano’y pagpatay at pag-torture ni Arroyo sa mga rebelde sa ilalim ni Gen. Jovito Palparan. Ikinasa ‘yon malamang para matuwa ang 10 maka-Kaliwang sectoral reps na pumirma sa impeachment. Tinutukoy ko ang kasong pagpirma ni Arroyo sa umano’y maruming Piatco at Northrail contracts.

Malaking kabaliwan ang huling paratang. Talagang marumi ang Piatco deal. Pero hindi si Arroyo ang pumirma nu’n. Malinaw sa records na ang Ramos administration ang lumagda sa mother contract nu’ng 1996 para itayo at patakbuhin ng Piatco ang NAIA Terminal-3. Pagkaupong-pagkaupo ni Joseph Estrada nu’ng 1998, apat na beses binago ang kontrata, para maisingit ang dose-dosenang probisyong pabor sa Piatco at kontra sa interes ng gobyerno. Si Arroyo ang nagpahinto sa proyekto. Kinasuhan ang Piatco sa Korte Suprema, na nagbasura naman sa kontrata.

Ang Northrail ay biktima lang ng pulitika. Inaangalan ito ni Senate President Frank Drilon para maakit ang suporta ng Amerika sa Oposisyon. Galit kasi ang US sa Tsina, na magpapautang ng $400 milyon–kalahati ng ipinipilit ng US, Japan o Spain–sa paglatag ng bagong riles sa Caloocan-Malolos. Inis din ang US sa pagbigay ng Tsina ng $3.2 milyon military aid sa Pilipinas. Inimbestigahan na ng Senado ang Northrail, sa pangunguna ng Oposisyon, nu’ng 2004. Walang nakitang dumi. Sa muling pag-ungkat dito, malamang umatras ang Tsina, at maglaho ang planong tren.

Show comments