Lumapit ang mga alagad at tinanong si Jesus, "Bakit po ninyo dinadaan sa talinghaga ang inyong pagsasalita?" Sumagot si Jesus, "Ipinagkaloob sa inyo na malaman ang mga lihim tungkol sa paghahari ng Diyos, ngunit hindi ito ipinagkaloob sa kanila. Sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa at mananagana; ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa. Nagsasalita ako sa kanila sa pamamagitan ng talinghaga, sapagkat tumitingin sila ngunit hindi nakikita, at nakikinig ngunit hindi nakaririnig ni nakauunawa. Natutupad nga sa kanila ang hula ni Isaias na nagsasabi: "Makinig man kayo nang makinig, hindi kayo makauunawa, at tumingin man kayo nang tumingin, hindi kayo makakikita. Sapagkat naging mapurol ang isip ng mga taong ito; mahirap makarinig ang kanilang mga tainga, at ipinikit nila ang kanilang mga mata. Kung di gayon, disin sanay nakakita ang kanilang mga mata, nakarinig ang kanilang mga tainga, nakaunawa ang kanilang mga isip, at nagbalik-loob sa akin, at pinagaling ko sila, sabi ng Panginoon."
"Mapalad kayo, sapagkat nakakikita ang inyong mga mata at nakaririnig ang inyong mga tainga! Sinasabi ko sa inyo: Maraming propeta at matutuwid na tao ang nagnasang makakita sa inyong nakikita, ngunit hindi ito nakita, at makarinig sa inyong naririnig, ngunit hindi ito mapakinggan."
Ang mga talinghaga ni Jesus ay maraming antas. Sa tuwing maririnig o mababasa natin ito, parating may bagong kaalamang nakukuha tayo. Kung hindi tayo nababago ng mga talinghaga, pareho lamang mensahe ang ating maririnig. Subalit kung tayoy nababago nito, bawat pagkakataong marinig o mabasa natin ang talinghaga ay nagsasaad at nagpapahayag ng mga bagong katotohanang hindi pa natin naririnig. Nangangahulugan lamang na kailangan nating laging maging bukas sa mensaheng ipinahahatid sa atin ng mga talinghaga ni Jesus. Sa gayon, itoy makatutulong sa atin upang baguhin ang ating sarili, unawain ang kalooban ng Diyos upang higit na mapaglingkuran ang mga kapwa.
Tunay ngang tayoy mapalad, sapagkat binibiyayaan tayo ng mga talinghaga ni Jesus at ng mismong persona niya. Tayo ba namay nababago ng mga talinghaga ni Jesus?