Ang inirereklamong ospital, ang Nagcarlan District Hospital. At ang inirereklamo, mga butihing doktor ng ospital.
Mula raw ng ilipat sa Nagcarlan District Hospital ang pobreng pasyente, walang matinong medical attention daw na naibigay dito. Ang siste, mga kaanak pa diumano ng pasyente ang gumagawa ng mga trabaho ng nurse.
Bukod sa pagwawalang bahala sa isang pasyenteng nasa kritikal na kondisyon, nagawa pa diumanong magpakalat ng kung anu-anong istorya ang mga doktor na sina Dra. Herma Formeloza at Dra. Teresita Pesidas matapos pumanaw ang pinabayaang pasyente.
Ipinagkalat diumano nila Dra. Formeloza at Dra. Pesidas na nakahahawang sakit ang ikinamatay ng pasyente.
Reklamo pa ng isang kaanak ng namatay na pasyente, nagbitiw daw ng salita si Dra. Formeloza na kung nagkataong siya daw ang duty noong araw na itakbo ang pobreng pasyente, hindi niya daw ito tatanggapin sa kanilang ospital.
Pero matapos malaman mula sa pamilya ng pumanaw na pasyente na magsusumbong sila sa BITAG, mabilis ang naging aksyon ng pamunuan ng Nagcarlan District Hospital.
Panay daw ang panunuyo ng kanilang hepe na si Dr. Jose Guia. Ang ibig sabihin, aminado ang pamunuan ng Nagcarlan District Hospital sa kapabayaan at pagiging unprofessional ng kanilang mga doktor na sina Dra. Herma Formeloza at Dra. Teresita Pesidas.
Kinakailangan pa palang manghimasok ang BITAG para gawan ng sapat na aksyon ang kapabayaan nila Dra. Formeloza at Dra. Pesidas.
Sakaling mauwi sa wala at hindi umaksyon ang hepe ng Nagcarlan District Hospital na si Dr Jose Guia, nakaantabay kami upang ituwid ang baluktot na prinsipyo ng kanilang mga doktor. Patuloy kaming nakatutok sa kasong ito.