Kumalat ang text messages noong Sabado at maging kahapon na wala na umano sa bansa si Garci at nasa Singapore na kasama ang pamilya. Mula sa Singapore ay magtutungo na ito sa United States. Sakay daw ito Subic Air Lear Jet at ang piloto ay isang nagngangalang Capt. Art Santos. Pero pinasinungalingan ang balita. Walang katotohanan. Narito pa raw sa bansa si Garci. Pero ang tanong ay nasaan,
Maraming itinatago si Garci at dapat lamang na siya ang maisalang at mapiga hinggil sa kanilang pag-uusap ni Mrs. Arroyo noong June 2004. Nang aminin at magsorry si Mrs. Arroyo na siya nga ang babae sa na-wiretapped conversation, hindi naman niya inamin na si Garci ang kanyang kausap. Hanggang ngayon, nakabalot pa rin ang misteryo sa "Hello Garci" tape. Bitin ang pag-amin ni Mrs. Arroyo kaya naman nagkasunud-sunod ang mga protesta na magbitiw siya sa puwesto. Nagresign ang 10 niyang Cabinet officials at hiniling din na magbitiw siya sa puwesto. Maski si dating President Aquino ay hiniling din na magsakripisyo si Mrs. Arroyo. Pero ang sagot ng Presidente "Hindi ako magre-resign!"
Nang magsagawa ng hearing ang Senado ukol sa kontrobersiyal na pag-uusap sa telepono, hindi dumating si Garci. Nagalit ang mga mambabatas at ipinag-utos na sa Philippine National Police, National Bureau of Investigation at sa Armed Forces of the Philippines na hanapin na si Garci. Ang kalalabasan ng imbestigasyon sa nangyaring conversation sa telepono nina Mrs. Arroyo at Garci ang gagamitin sa isinusulong na impeachment trial laban sa Presidente.
Hindi pa raw nakalalabas ng bansa si Garci at nariyan lamang. Duda na kami sa nangyayari. May palagay kaming wala na nga si Garci at nasa ibang lupalop na. At isa lamang ang ibig sabihin kung wala na ang isang magpapatunay sa nangyaring telephone conversation, mahirap nang ma-impeached si Mrs. Arroyo. Wala nang gaanong lakas ang kaso kung wala si Garci. Mapapawalang sala ang Presidente.
Babay Garci!