Hindi nakuntento ang oposisyon. Ipinilit ang pagtugtog ng Gloria-gate sa Kongreso. Pinakalat pa ang mga kopya sa publiko, miski labag sa batas ang buong-kaalamang paghawak ng wiretap tapes. At batay doon, hinirit ng oposisyon na dinaya ni Gng. Arroyo ang elections sa Mindanao. Sinundan nila ito ng panawagang magbitiw di lang si Gng. Arroyo kundi pati si Vice President Noli de Castro, para umangat sila sa isang junta.
Ngayon binalikan sila ng Administrasyon. Naglabas si Gov. Chavit Singson ng wiretap tapes ni Joseph Estrada at isang heneral. Lumalabas sa bagong wiretap, na bawal din, inamin ng heneral na talo ang oposisyon sa Mindanao, kaya manggulo na lang sila upang mauwi sa junta.
Hirit agad ni Sen. Jinggoy Estrada, na sakdal sa plunder kasama ang ama, malisyoso at walang kredibilidad si Singson, na witness din laban sa kanila. Huwag daw pansining ang "Hello Erap" tape. Asahang igigiit ng oposisyon na ang may kredibilidad ay sina Kit Tatad at Alan Paguia na naglabas ng "Hello Garci" tape.
Sa palagay kaya ay maloloko nila ang taumbayan?
Matagal nang sinisigaw ng marami na bulok lahat ng pulitiko sa ilalim ng kasalukuyang sistema. Matagal na nilang hinihingi ang ganap na pagpapabagsak ng mga bulok at pagbabago ng kabulukan. Pero nilalaro lang sila ng mga bagong sulpot na pulitikong nangangako ng paglilinis. Pati ang Kaliwa, na ngayoy nasa panig nina Erap matapos itong tumulong sa pagbagsak niya nung 2001, ay nakikilaro na rin sa maruming pulitika. Wala nang mapupura sa lahat ng politiko ngayon.