‘Illegal recruiter, umamin matapos mabisto ng BITAG!’

PINAG-IINGAT namin ang lahat sa panibagong estilong pambibiktima ng mga illegal recruiter kung saan malalaking kumpanya ang ipinangsasangkalan.

Ito ang pangungumpisal ng illegal recruiter na si Nollie Villon matapos naming iharap sa kanya ang ilan sa kanyang mga naging biktima.

Gamit ang pangalan ng MCDonalds USA, nambibiktima siya ng mga pobreng aplikante na ang nais lamang ay makapagtrabaho at kumita ng malaki.

Mahigit 50 katao na ang nabiktima nitong si Villon sa kanyang illegal na gawain. Malakas ang loob niyang manloko sa paniniwalang maareglo niya ang kanyang mga naging biktima.

Sa pagharap ni Nollie sa BITAG at sa kanyang mga naging biktima panay ang pagtanggi nito. Ngunit bandang huli, wala siyang nagawa kundi umamin na lamang at mangumpisal sa kanyang kasalanan.

Nagkamali siyang lumapit sa BITAG. Kung inaakala niyang magiging malambot kami sa kanya, nagkamali siya ng inisip.

Pamilyar na sa BITAG ang mga eksenang kahalintulad ng paglapit ni Villon. Mga taong maglilinis daw ng kanilang mga pangalan sa kasalanang hindi naman nila ginawa.

Pero ang hindi nila alam, sanay na kami sa ganitong bulok na estilo. Hindi madaling maloko ang BITAG. Alam namin kung paano sila paiikutin hanggang mahuli sa kanilang mga baluktot na gawain.

Hindi nag-iisa si Nollie Villon sa kanyang bulok na estilo. Marami pa ang katulad niyang namumuhunan sa kahinaan ng mga pobreng biktima.

Kaya’t payo namin sa lahat, maging mapanuri sa anomang trabahong papasukan. Alamin ang motibo ng lahat ng inyong nilalapitan. Alamin din kung ang kanilang kumpanyang dinadala ay rehistrado ba sa tamang ahensya tulad ng POEA ng makaiwas na maging biktima.
* * *
Hotline numbers, mag-text sa 09189346417 o tumawag sa 9328919 - 9325310. Panoorin mula Lunes hanggang Biyernes, 9:00 — 10:30 am, ‘Bahala si Tulfo’ sa UNTV 37, simulcast mula 9:00 — 10:00 am sa DZME 1530 kHz.

Show comments