Tungkulin ng mga alagad

SA gitna ng ating panlipunan, pampulitika at pang- ekonomiyang kinakaharap sa kasalukuyan, marapat lamang na tayo’y mag-isip-isip, magsuri at manalangin. Makatutulong na pagnilayan natin ang mga salita ni Jesus na matatagpuan sa Ebanghelyo para sa araw na ito (Mt. 10:1-7).

Tinipon ni Jesus ang 12 alagad at binigyan ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu at magpagaling ng mga may karamdaman. Ito ang pangalan ng 12 alagad: Si Simon na tinatawag na Pedro at si Andres na kanyang kapatid; sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo; sina Felipe at Bartolome; si Tomas, at si Mateo na publikano; si Santiago na anak ni Alfeo, at si Tadeo; si Simong makabayan at si Judas Iscariote, ang nagkanulo kay Jesus.

Ang 12 ay sinugo ni Jesus at pinagbilinan: "Huwag kayong pupunta sa lugar ng mga Hentil, o sa alinmang bayan ng mga Samaritano. Sa halip ay hanapin ninyo ang mga nawawalang tupa ng sambayanan ng Israel. Humayo kayo at ipangaral na malapit nang maghari ang Diyos.’"

Ang itinuturing na mga Hentil noong kapanahunan ni Jesus ay ang mga hindi Judio. Datapwat pagbaba ng Espiritu Santo noong Pentecostes, ang Mabuting Balita tungkol kay Jesus ay ipinalaganap ng mga ala-gad sa lahat ng dako ng mundo, sa lahat ng tao. Kung kaya pati tayo ngayon ay nabiyayaan ng Mabuting Balita.

Paano natin isinasabuhay ang paghahari ng Diyos sa ating kasalukuyang panahon? Paano natin patuloy na paghahariin ang Diyos sa gitna ng mga kasalukuyang pangyayari sa ating bansa?

Kung tayo’y naguguluhan sa kasalukuyang kalagayan ng ating bansa, lalong higit na mainam na huminahon, magnilay at mataimtim na manalangin. Ang mga bagay-bagay na umiiral sa ating kapaligiran ay hindi madadaan sa paspasan at pagsasagawa ng mga hakbang na maaaring sumira sa demokratikong kaayusan ng bansa at pagsasantabi ng mga naaayon sa ating Saligang Batas.

Show comments