Sa latest survey ng Social Weather Stations (SWS) tumaas ang porsiyento ng mga nagugutom sa Metro Manila noong nakaraang buwan. Mula sa dating 7.7 percent noong March naging 12 percent na ito. Bumaba naman ang porsiyento ng mga nagugutom sa Mindanao. Mula sa dating 14.3 percent noong March ay bumagsak ito sa 5.3 percent na lamang. Tumaas din ang porsiyento ng mga nagugutom sa Luzon noong May kung saan naging 15 percent ang nagugutom kumpara sa dating 13.7 noong March. Ang mga nagugutom sa Visayas ay walang pagbabago. Nananatiling 13.7 ang mga nakararanas ng pagkagutom sa nasabing lugar.
Patuloy ang paghihirap ng mga mahihirap at siyempre patuloy din ang pagdami ng mga hindi na kumakain. Noong nakaraang taon, isang ama sa Cavite ang namatayan ng dalawang anak makaraang pulutin ang panis na litsong manok sa basurahang malapit sa isang mall at saka ipinakain sa pamilya. Sa kagustuhang malunasan ang nadaramang gutom ng pamilya, pati pagkain sa basurahan ay pinulot. Kung ganitong nadagdagan ang mga nagugutom dito sa Metro Manila, hindi malayong ang ginawa ng ama ay mangyari rin dito. Baka dumami ang mga kapus-palad na umaasa ng grasya sa basurahan.
Pagtaas ng presyo ng petroleum products ang pangunahing dahilan ng paghihirap at ikalawa ang lumalalang isyung pulitikal. Sabi naman ni Presidente Arroyo hindi siya tumitigil sa paggawa ng paraan para hindi maging mabigat ang pasanin ng mahihirap sa walang tigil na pagtaas ng gas. Nararamdaman din daw niya ang nararamdaman ng mga kapus-palad. Hinihiling niya sa taumbayan na magtiiis pa at malapit nang magkaroon ng bunga ang mga sinusulong niyang reporma sa ekonomiya.
Sana nga ay nararamdaman ng Presidente ang damdamin ng mga dahop. Sana nga ay matapos na ang pagtitiis. Sana ay makita at madama ang ginagawang reporma.