Pagpapatahimik at pananahimik

KESA harapin ang katotohanan ay dalawang bagay lang ang ginagawa ng administrasyon ni Madam Senyora Donya Gloria tungkol sa Gloriagates tape at juetenggate scandal.

Mula umpisa ay sinikap ng mga kaalyado, kakampi, kampo at tauhan ni Madam Senyora Donya Gloria na patahimikin ang sinumang gustong ilabas o iparinig man o pag-usapan ang Gloriagate tapes.

Una rito ay si Raul Gonzales ang secretary of justice ni Madam Gloria na agad nanakot na mahaharap daw sa kaso at pagkakulong ang sinumang merong hawak ng kahit kopya lang ng naturang tapes.

Pinagbantaan din niya ang miyembro ng Kongreso na hindi raw kasali sa kanilang immunity ang pagpaparinig ng naturang tape.

Ang National Telecommunication Commission (NTC) naman ay nagbabala rin sa miyembro ng broadcast industry na hindi raw dapat payagang ma-broadcast ang naturang tape dahil ito raw ay bawal at "inciting to sedition."

Pagpapatahimik din sa pamamagitan ng pagbabanta ng "mere possession is punishable" ang kasagutan ng iba pang opisyal ng Malacañang sa mga namimigay ng CD at pati mga "HELLO GARCI" ring tone.

Pagbabanta rin kay Atty. Samuel Ong na sampahan nang napakaraming kaso in the hope na tatahimik siya o di kaya’y pagpapatahimik kay Sgt. Doble sa pamamagitan ng "pag-imbita" ng kanyang pamilya mula sa Mindanao para lumabas siya sa San Carlos Seminary.

Ang mga kongresista naman, kasama nitong sina Juan Miguel Zubiri, Baterina at Butch Pichay ay gagawin ding lahat upang tumahimik ang hearing sa Kongreso. Lahat ng paraan gagawin upang hindi matanong ang mga "resource persons" tungkol sa Gloriagate scandal.

Mga walang pinagkatandaan. Beteranong mga kongresista pero halata na gustong ma-delay at huwag matuloy ang imbestigasyon.

Si dati at nilaglag at pinabayaan at binitiwang Comelec Commissioner Virgilio Garcillano naman ay ganoon din ang kasagutan sa problema. Manahimik at magtago. Pati nga kinaroroonan niya ay hindi masabi ng Malacañang, na para bang tanga tayong lahat sa kasagutan ni Presidential Spokesperson Ignacio "Toting" Bunye na hindi nila alam kung nasaan si Garci.

Para namang hindi nabigyan ng instruction ni Madam Senyora Donya Gloria si Garci noong nasa Cagayan de Oro sila pareho. Para namang hindi nagkita si Public Works and Highways Secretary Hermogenes Ebdane at higit sa lahat para namang walang convoy ng mga sasakyan ang umalis galing sa hotel kung saan tumutuloy si Garcia papuntang airport.

Samantala, si Madam Senyora Donya Gloria naman ay katahimikan, ayaw sumagot. Deadma sa lahat ng katanungan tungkol dito maliban sa kapirasong sagot na magsasalita siya pagdating ng tamang panahon.

Tamang panahon? Kelan? Anong taon? Anong buwan? Mahirap bang sumagot lang kung siya nga ba ang nasa tape o hindi. Mahirap bang sagutin kung si Commissioner Garcillano nga ba ang kausap niya o hindi. Kailan ho kayo magsasalita pag nag-resign na kayo o mawala na kayo sa Malacañang? Malabo po yon dahil tiyak hahabulin kayo ng sambayanan upang sagutin ang katanungan at ilahad ang katotohanan ukol sa Gloriagates tape.

Sa isyu naman ng jueteng, ganoon din. The same players din, maliban kay Madam Senyora Donya Gloria at kay Garci.

Hirit rin si Raul na agad-agad pakukulong niya raw ang mga whistle blowers dahil involve rin naman sila sa jueteng. Amba rin niyang panakot ay kakasuhan at pakukulong ang sinumang magsasalita tungkol sa tapes.

Tambak namang kaso ang hinarap ni Sir Senyorito Juan Miguel "Mikey" Arroyo at Rep. Ignacio "Jose Pidal" Arroyo kay Sandra Cam na nagsabing siya mismo ang nag-abot ng pera sa kanilang dalawa.

At nu’ng hindi pa rin siya nananahimik, tangkang pagdukot naman sa kanya sa ospital kung saan siya tinago ng ilang mga opisyal ng simbahang Katoliko. Buti na lang ay humarang ang mga madre kung hindi napatahimik nila si Sandra Cam. After all, dead men tell no tales.

At kung sa Gloriagates ay Kongresista ang nagpapatahimik at gumagawa ng paraan upang mapigilan ang hearing, sa Senado ay sina Senate President Franklin M. Drilon at sina Senador Edgardo Angara (obvious ngayon kung sino ang nanggulo sa oposisyon), Lito Lapid, Manuel Villar, Mar Roxas, Miriam Defensor Santiago at Francisco "Kiko" Pangilinan.

Nakakapagtaka, parehong isyu na madaling sagutin kung walang katotohanan pero parehong iskandalo na ginagamot sa pamamagitan ng pagpapatahimik at pananahimik.

Sa inyong lahat, kahit ho anong gawin n’yo, ang baho ho ay sisingaw at aalingasaw. Harapin n’yo at tantanan n’yo ang sambayanan sa inyong mga katwiran na illegal acquired ang mga ebidensiya.

Isa lang ho ang isyu, totoo ba o hindi. Katotohanan, yan lang ang kahilingan ng sambayanan.
* * *
Para sa anumang reaksyon, sumulat lang sa nixonkua@yahoo.com o nixtkua@gmail.com o di kaya’y mag text sa 09272654341. Mapapakinggan n’yo rin po ang inyong lingkod sa MATA NG AGILA sa DZEC 1062 mula 6:15 hanggang 8:30 ng umaga, Lunes hanggang Biyernes.

Show comments