Inakala ni Linao, isang kandidato para mayor na siya ang "dumpty in the egg" na tinutukoy sa diyaryo. Wala naman daw ibang pangalang nabanggit doon kundi siya at si Cortes na kandidato rin. Pinalabas daw ni Amelia sa publiko na may utang siyang P27,000 sa mga doktor samantalang hindi naman siya nagkakasakit at siya naman daw ay isang matagumpay na negosyanteng nagbabayad ng kanyang utang. Iginiit ni Linao na dahil sa nalathalang iyon, siniraan siya ng puri ni Amelia. May malisya raw si Amelia dahil noong ito ay sinulat, siya raw ay isang pribadong mamamayan lang at hindi isang "public official" na maaaring maging paksa ng diyaryo dahil may interes ang tao sa mga ginagawa niya. Kaya dapat daw magbayad pinsala si Amelia dahil sa libelong ginawa nito. Tama ba si Linao?
MALI. Totoo ngang hindi kailangang banggitin pa ang pangalan ng biktima ng libelo. Sapat na kung sa mga sirkumstansiya ay makilala na siya at walang iba ang tinutukoy. Ngunit di sapat kung ang biktima lang mismo ang magsasabing siya ang tinutukoy. Kailangan ding patunayan na may ibang taong nakakilala na siya nga ang pakay ng paninirang puri. Hindi ito napatunayan ni Linao. Bukod dito, malinaw naman na ang tinutukoy ni Ameliang "dumpty in the egg" ay ang kumakampanya pabor kay Cortes na kalaban niya. Hindi yata kapani-paniwala na kakampanya si Linao sa kalaban niya.
Kahit hindi pa public official si Linao nang malathala ang artikulo, ang sinulat naman ni Amelia ay sakop pa rin ng freedom of the press. May karapatan ang publikong malaman ang mga katangian ng mga kandidato sa eleksiyon. Malaking pakinabang ng publiko sa publisidad tungkol sa mga kandidato upang malaman nila kung sino ang iboboto. Ang mga komentaryo tungkol sa mga kandidato ay mga komunikasyong pribilehiyo na pinoproteksiyonan ng ating Konstitusyon maliban na lang kung may masamang isip at kalooban ang sumusulat nito. (Baguio Midland vs Court of Appeals, G.R. 107566, November 25, 2004)