Ang ama ang itinuturing ng ating lipunan na haligi ng tahanan. Sa kanyang pagiging haligi ng tahanan, nangangahulugan lamang na siya ang tinatakbuhan ng mga anak kapag ang mga ito ay nangangailangan ng proteksyon, pagkakanlong mula sa panganib o masalimuot na mga suliranin. Sa ama lumalapit ang mga anak kapag inaakala nilang may mahigpit na pagsubok na hindi nila kayang harapin, at sa ganooy nakakakuha sila ng karunungang wala pa sa kanila bilang mga kulang pa sa karanasan sa larangan ng pamumuhay.
Sa pag-inog ng mundo at pag-unlad ng sibilisasyon, ang ama ngayon ay hindi lamang umaakto bilang haligi ng tahanan. Siya rin kadalasan ang gumaganap na ilaw ng tahanan, lalot kung siyay nag-iisa na sa pag-aalaga ng kanyang mga anak.
Sa paggunita ng araw ng mga ama, nais kong gunitain ang papel ng aking ama sa aking buhay naging haligi ng aming tahanan, naging taga-disiplina naming magkakapatid, humutok sa karakter ng bawat isa sa aming magkakapatid. Nais ko ring alalahanin si Mang Jess na isang maliit na mangingisda, na bumagyo mat umaraw ay nasa laot upang makahuli ng mga isda na maipagbibili upang ang kanyang pamilya ay may makain. Naaalala ko rin sina Miguel Belmonte at ang kanyang amang si Sonny Belmonte. Si Miguel na ama ng kanyang tahanan at tumatayo ring ama ng Pilipino Star NGAYON. Si Sonny sa kanyang pagiging ama ng tahanan at pagiging ama ng Quezon City bilang mayor nito. Si Al Pedroche sa kanyang pagiging ama ng tahanan at ama ng mga manunulat sa PSN bilang editor nito. Naaalala ko rin ang ating Santo Papa, si Benedict XVI, na ama ng ating Simbahan, pati na rin ang mga Obispo at kaparian ng ama ng kanilang mga kawan. Ganoon na rin sa lahat ng mga ama - maging sila man ay tunay na ama sa dugo, o di kayay tumatayong ama sa mga taong kanilang inaalagaan, sa tahanan man o sa trabaho; sa larangan man ng pamumuhay o sa antas ng espiritwal.
Higit sa lahat, ginugunita ko at pinahahalagahan ang ating Amang nasa langit, na nagbigay sa atin ng buhay, lumikha sa sanlibutan at patuloy na nangangalaga sa atin sa araw-araw. Papuri at pasasalamat sa Kanya sa kanyang kadakilaan at walang-hanggang pagmamahal sa atin!
Sa lahat ng mga ama, Happy Fathers Day!