"Dating spy chief nagsalita na..."

NAGKAROON NG ISANG EKSKLUSIBONG PANAYAM ANG "CALVENTO FILES" KAY ADMIRAL TIRSO DANGA, HEAD NG J-2 O INTELLIGENCE BRANCH NG ARMED FORCES OF THE PHILIPPINES.

Mula sa Camp Aguinaldo, tahasang sinabi nitong si Admiral Danga sa akin na wala siyang kinalaman sa kontrobersyal na tape na mainit na pinag-uusapan ngayon. Hindi rin daw kagagawan ng ISAFP yan.

Ang isang broadsheet ay nagbansag kay Admiral Danga na "INVISIBLE MAN" kahapon, subalit ito’y pinabulaanan ni Admiral Danga.

"Andito lamang ako sa Camp Aguinaldo at imposible naman hindi ako makita. Talaga lang no comment ako sa issue ng mga tapes sa advise ng aking abogado," paliwanag ni Danga.

Matatandaan na itong si Danga ay hepe ng Intelligence Service ng Armed Forces of the Philippines o ISAFP nung panahon ng eleksyon. Ang ISAFP ang siyang natuturong may kinalaman sa pagka "wire tap" at source ng tapes na napunta na ngayon sa kamay ng napakaraming tao.

Si Danga ay kinailangan magfile ng medical leave of absence dahil napabalitang may sakit itong Leukemia at nagpagamot sa Israel.

"Salamat sa Diyos at okay na ko ngayon. Wala kaming kinalaman sa pagkawire tap nitong si Garcillano at lalo namang hindi namin Iwa-wire tap si Presidente. Siya ang aming Commander-in-Chief," mariing sinabi ni Danga sa akin.

Kung ganun bakit nakakaladkad ang ISAFP sa usapin ito. Si Rep. Roilo Golez ng Parañaque ang nag-ugnay sa kanyang pangalan nung isang araw.

"Hindi totoo yan. Ang mangga kapag puno ng bunga, babatuhin yan ng tao. Ganito ang nangyayari. Marami kasing accomplishments ang ISAFP dahil na rin sa tagumpay sa Anti-Kidnapping cases na nakakatulong kaming malutas. Siguro dahil dito, pilit hinihilang pababa ang grupong ito," ayon kay Danga.

Isa ring dahilan na maaring pagdudahan si Danga at ang kanyang mga naging kasama sa Military Intelligence 21 (MIG 21) na nasa likod ng wire-tapping activities ngayon at dahil nung panahon ng kainitan ng Oakwood Mutiny, isa ito sa mga pinili ng mga Junior Officers na makausap tungkol sa kanilang mga hinaing. Si Danga at si General Victor Corpus ay kilalang malapit sa isa’t isa. Ang pangalan naman ni Victor Corpus ay nakabandera sa front page ng isang tabloid (hindi PSNGAYON at PM) na nasa likod ng kontrobersyal na tapes.

Sa pagtatapos ng aking pakikipag-usap kay Danga isang matalinhagang salita ang binitiwan ng mamang ito.

"Kahit gaano man kahaba ang dilim na dulot ng gabi, isang bagay ang nasisiguro natin. Darating din ang umaga. Kasama sa pagdating nito ay liwanag na siyang magbibigay linaw sa lahat ng isyu na bumabalot sa mga pangyayari ngayon," mahinahong sinabi ni Admiral Danga.

Aba, napakamakata pala nitong dating Spy Chief na ito. Matapos ang kanyang career sa military, maari itong maging literary writer at ang una niyang isulat ay ang "GLORY AT GARCI TAPES" siguradong best seller ito.

SA AKING PAGSUSULAT, madalas kong kunin ang panig ni Secretary of Justice Raul Gonzalez ukol sa iba’t ibang isyu. Ngunit sa pagkakataong ito, tinawagan ko siya upang iparating ang aking opinion tungkol naman sa sinabi niyang pwedeng kasuhan ang mga taong nagkakalat ng "ring tone" ng "Hello Garci" na uso ngayon.

Sobra naman yata ang pananakot na ito! Maaring kasuhan ang mga taong may ring tone na ito? Hindi tuloy maganda ang labas ni Sec. Gonzalez na parati na lang siyang nananakot na naman ng kaso.

Mabilis namang nagsabi si Sec.Gonzalez na wala naman daw kaso yung tungkol sa ring tone ng "Hello Garci."

"My comment there was that if these ring tone are being used by people taking advantange of the situation to further destabilize the government yung mga taong nasa likod ng destabilization ang pwedeng kasuhan. Hindi yung mga gumagamit ng ring tone," paliwanag ni Sec. Raul.

Ano naman kasi ang kasalanan natin kung gusto nating sumunod sa isyu at gamitin ang katawa-tawang tinig ni Presidente na nagsasabi ng "Hello Garci." Karapatan na natin yun!

KASI naman hanggang sa sandaling ito, hindi pa rin umaamin si Pres. Arroyo o kahit magbigay man ng pahayag tungkol sa "Glory at Garci Tapes" na yan.

Bagamat alam na ng buong bayan at kumbinsido na kay PGMA nga ang boses sa tape nananatili pa rin tikom ang bibig ni PGMA sa isyu ng tapes.

Marahil nabigyan ito ng payo ng kanyang mga "advisers" o taga bulong na mas mabuti na manahimik na lamang. Naisip nila na illegal naman ang pagkakuha ng tape na ito at anumang sasabihin niyang pahayag ay maaring gamitin laban sa kanya sa hinaharap.

Hindi na yun ngayon ang issue. The president must come out and make a stand, make a clean breast of things kung siya nga o hindi siya ang nasa tape. Ang patuloy niyang pananahimik ay hindi nakakatulong sa kanya, sa kanyang administrasyon at lalung-lalo na sa ating bayan.

Paulit-ulit kong narinig ang tape at ang pinaka-damaging dyan ay ang pag-uusap ni Garci at Senator Robert "Bobby" Barbers.

Mahirapan itong si Bobby na itanggi ang kanyang tinig na dahil matapos ang operasyon niya sa lalamunan, iba na ang naging tinig ni Bobby. Siyang-siya ang nakikipag-usap sa tape. Sayang at wala si Bobby ngayon at ayon sa kanyang anak na si Ace Barbers, ang kanyang ama daw nag-cru-cruise kasama ang kanyang asawa.

Mabuti pa si Bobby, habang nagkakagulo sa ating bayan tungkol sa tape patravel-travel lang ito.

SA PAGTATAPOS ng kolum ko ngayon, kasuka-suka naman ang palusot nitong ISAFP agent na umamin na siya nga ang taong nakasuot ng bonnet sa VHS tape na sinasabi nitong self professed Messiah na si Sammy Ong.

Pinilit daw siya na umamin na sa kanila galing ang tape.

Pagkatapos, tinext ang kanyang asawa at nagpaparescue dahil "he is being illegally detained ni Sammy Ong sa San Carlos Seminary."

Ginagawa mo naman kaming GAGO niyan, T/Sgt. Vidal Doble. Isang kang ISAFP agent, papayagan mong ma-illegally detained ka dyan?

May mga pari, seminarista at may Bishop pa nga, papayag sila na ang isang tao mismo sa loob ng San Carlos Seminary ay gagawing hostage? Mag-isip kang mabuti Doble. Walang maniniwala sa’yo.

You knew what you were getting into at ng makita mong Malabo ang sitwasyon, nagsayaw ka ng PASADOBLE. Ngayon na ikaw ay magbibigay ng ibang pahayag, ’di kaya lumabas na DOBLE CARA ka naman ngayon, Sgt. Doble?

Highly qualified itong si Doble kapag ang pinag-uusapan ay technical sa larangan ng intelligence operations. Dati siyang kasama sa PRESIDENTIAL ANTI ORGANIZED CRIME TASK FORCE o PAOCTF nung mga panahon ni President Joseph Estrada. Ang dating namumuno ng PAOCTF nung mga panahong yun ay si Sen. Panfilo Lacson. Hindi kaya....? Wag na lang!

Bahala na kayong gumawa ng inyong mga sariling opinion sa mga isinulat ko ngayon. Readers ng "CALVENTO FILES" are intelligent enough para makapagbigay ng sarili nilang comments sa mga isyu na nangyayari sa ating bayan.

PARA SA ANUMANG COMMENTS O REACTIONS MAARI KAYONG MAGTEXT SA 09213263166. MAARI DIN KAYONG TUMAWAG SA 7788442.

Show comments