Hindi na pinansin ng taumbayan ang panawagan at malaking kabiguan ito para sa oposisyon na halatang kinupkop si Ong. Hindi nahikayat ang mga tao sa kabila ng apela ni Ong na tulungan siya o protektahan. Walang nangyaring people power kahit na nga ibinabando sa tapes ang umanoy ginawang pandaraya sa nakaraang election. Pati nga si Susan Roces, asawa ng namayapang actor na si Fernando Poe Jr. ay kontrang-kontra sa pagdaraos ng people power o destabilization laban sa gobyerno.
Maraming dahilan kung bakit nagsawa na at dinedma na ng taumbayan ang people power o ang pagsuporta sa destabilisasyon. Unang-una nang dahilan ay ang kahirapan ng buhay. Mas maraming tao ang abala sa paghanap ng ikabubuhay at makakain sa araw-araw. Kaysa sumama sa pagpi-people power o pagpapabagsak sa gobyerno, atupagin na lamang ang paghahanapbuhay. At kung magtagumpay man sa pagpapabagsak sa gobyerno gaano ang garantiya na ang iuupong pinuno ay mahahango sa kahirapan ng buhay. Bituka muna ang unahin kaysa people power. Hindi puwedeng dedmahin ang kumukulong tiyan. Dahilan din ng pagkasawa sa people power ay ang pagsusulputan ng mga gahamang pulitiko na walang hangad kundi ang pansariling kapakanan.
Nagsawa na nga sa people power ang taumbayan pero hindi rin naman dapat kalimutan ng kasalukuyang pamahalaan na tuparin ang ipinangako na hahanguin sa hirap ang taumbayan. Huwag kalimutan ang pagdurog sa mga buwaya sa lipunan, wasakin ang jueteng, disiplinahin ang asawa, anak, bayaw at mga alagad na nakikinabang sa illegal na sugal. Kung hindi maisasagawa ang mga ito, baka tuluyan nang magkaroon ng hugis ang pagtitipun-tipon at matuloy ang pag-aalsa.