Kung si Pimentel ay inulan ng tanong ng sambayanan, si Dagupan-Lingayen Archbishop Oscar Cruz ay may katanungan din sila. Bakit bato nang bato ng akusasyon si Cruz sa ibang tao ukol sa jueteng, bakit hindi muna niya linisin ang bakuran niya? Maraming balita kasing kumakalat na may mga pari ring umamin na tumatanggap din sila sa jueteng. May kasabihan kasi tayo na "Magsalamin ka muna bago mo ulingan ang mukha ng kapwa mo," di ba mga suki? Ang ibig sabihin ng sambayanan, unahing linisin ni Cruz ang bakuran niya at tiyak maniniwala sila na seryoso siya sa pakikibaka niya sa jueteng nga. Habang umiinit kasi sa ngayon ang sitwasyon sa bansa natin, aba, baka mawala na ang tiwala ng sambayanan sa simbahan kapag napatunayan na may bahid ng pulitika itong exposé ni Cruz taliwas sa tinuran niya. Hindi naman kaila sa atin mga suki, na may ilang sektor sa simbahan ang nanawagan noon na ibagsak na ang gobyerno ni GMA. Ito kayang hakbangin ni Cruz ay kasali sa destabilization plot laban kay GMA?
Sa parte naman ni Sen. Ping Lacson, ang isa sa prime movers ng jueteng probe, aba, tumanggap din daw siya sa jueteng kung si NBI Director Reynaldo Wycoco ang paniniwalaan. Siyempre, deny to death si Lacson sa akusasyon ni Wycoco sa kanya dahil wala namang hard evidence na nagtuturo na tumanggap siya. Pero ipinaalala ko lang kay Sen.Lacson na ang kaso niya ay tulad din doon sa mga inakusahan ng jueteng witness na sina Boy Mayor at RJ Garcia, di ba mga suki? Maliwanag kasi na wala ring hard evidence laban sa pamilya ni GMA at mga pulis na itinuro nina Mayor at Garcia na sangkot sa jueteng. At kung totoo itong mga tinuran ni Mayor at Garcia, ibig bang sabihin niyan, totoo rin ang sinasabi ni Wycoco na may nakarating ding jueteng payola kay Lacson noong PAOCTF pa siya? He-he-he! Marami talagang tanong no?
Sa ganang akin naman, mareresolba lang itong problema sa jueteng kung umupo sa isang mesa ang mga lider at pulitiko natin at pagtiyagaang hanapan ito ng solution. Hindi ito makukuha sa siraan at hatakan pababa. At habang abala naman ang Senado sa jueteng probe, itong kolektor naman na si Abe David, na ginagamit ang TFAG ng PNP ay patuloy na umiikot sa mga gambling lords sa Metro Manila at kumukuha ng intelihensiya. Kaano-ano kaya ni David ang bagman ng jueteng na si Gener David, alyas Boy Tangkad? Dapat ipatawag sa Senado itong si Abe David para gisahin din. Abangan!