Buong pagyayabang ni Dagupan-Lingayen Archbishop Oscar Cruz sa kapabilidad ng bagong witness niya na si Richard Garcia subalit lumabas na tsismis din ang lakad niya. Tulad ng unang witness na si Wilfredo "Boy" Mayor, wala ring ipinakitang solidong ebidensiya si Garcia, na umanoy "hi-lo" financier sa Pasay City noong 90s. Maaring may laman ang sinasabi ni Garcia pero paano naman niya patutunayan na talagang tumanggap ng pera ang mga taong binanggit niya tulad ni Pampanga Rep. Mikey Arroyo? At ang mga pulis na binanggit ni Garcia ay pumiyok na at siyempre, wala namang umamin sa kanila. Kaya kung marami pang bombshell na ibabagsak si Archbishop Cruz, marami ang nagsasabing dud din ang mga ito at walang iniwan doon sa tinuran nina Mayor at Garcia. Ang kailangan ng sambayanan sa ngayon kasi ay matibay na ebidensiya para umalsa sila at patalsikin nga si GMA sa trono ng bansa. Eh kung panay daldal o laway lang ang binubuga ng kanyon ni Cruz, aba, hindi kuntento riyan ang sambayanan. He-he-he! Ano bali, tsismis lang papatulan?
At alam din ng nasa likod nitong Senate probe sa jueteng na hindi nila nakukumbinsi ang sambayanan na umalsa sa jueteng issue kayat nagpalabas pa sila ng isang ebidensiya, ang isang tape conversation ni GMA at Comelec official tungkol sa ginawang pandaraya noong nakaraang elections. Pero kung sa jueteng issue, nagulantang nila ang Palasyo, dito sa tape na ilalabas ay naunahan sila ni Press Sec. Ignacio Bunye. Maagang nagpaliwanag si Bunye at sa tingin ng maraming nakausap ko, naintindihan na ng sambayanan ang isyu kayat hindi na magamit ito ng mga kalaban ng gobyerno para lalong sirain ang imahe ni GMA nga. Kung sabagay, sino ba namang sira-ulo ang makikipag-usap sa telepono kung ganoon kasensitibo ang pinag-uusapan? Parang ibinibitay mo ang sarili mo, di ba mga suki? At sa tingin ko, hindi naman ganyan ka-careless si GMA dahil nakataya rito ang kanyang liderato. Kaya pag nagkataon, dud din ang tape laban kay GMA tulad ng jueteng issue, di ba mga suki?
Kung sabagay, masyadong maaga pa para husgahan ang destabilization plot laban kay GMA. Pero ang sambayanan, ayaw nang pagamit ng mga yan sa pulitikang hakbangin ng iilan dahil sila naman ang nasasaktan o nalalagasan. Wag kumurap! Abangan!