Dahil sa mga excuses ni Lomibao, kinastigo siya ng mga mambabatas. Sinabihan si Lomibao ng mga ito na gawin ang trabaho. Ipatigil umano ang jueteng sapagkat ito ang trabaho ni Lomibao. Ipinatawag si Lomibao sa House inquiry ng jueteng. Sinabi ng mga mambabatas na ang patuloy na pamamayagpag ng jueteng sa maraming lugar ay taliwas sa ipinag-utos ni President Arroyo sa PNP na durugin ang jueteng sa buong bansa. Ang Arroyo administration ang grabeng tinamaan ng jueteng. Nasisira si President Arroyo dahil sa jueteng. Kung noon pang 2001 na pinalitan niya si Estrada ay sinimulan nang durugin ang jueteng, baka wala nang problema ngayon. Si Estrada man ay nasangkot sa jueteng scandal.
Tama ang mga mambabatas, gawin ni Lomibao ang kanyang trabaho para lubusan nang madurog ang jueteng. Hindi rin siya dapat nagsasalita nang tapos gaya nang sabihin niyang jueteng-free na ang bansa. Kakahiya ang kanyang sinabi sapagkat nakikita naman na patuloy pa rin ang jueteng. Inamin mismo ni Lingayen-Dagupan Archbishop Cruz na patuloy ang jueteng at kangaroo style ang pagbola.
Ang pag-amin ng PNP ng kanilang kahinaan laban sa jueteng ay delikado. Kung sa jueteng ay walang magawa ang PNP, tiyak na wala rin silang binatbat sa iba pang krimen na gaya ng illegal drugs, kidnapping at iba pa. Kung sa jueteng ay inutil sila, mas lalo nilang hindi maipagtatanggol ang mamamayan laban sa mga kriminal at iba pang halang ang kaluluwa.
Isang malaking pagkakamali pala kung bakit si Lomibao ang napiling PNP chief ni Mrs. Arroyo. Hindi nararapat sa puwesto ng PNP ang isang lalaking pabagu-bago ng salita. Hindi na kataka-taka kung marami pang malalakng krimen ang mangyari at hindi malutas dahil sa kahinaan at kainutilan ng PNP. Sa jueteng lang umatras na ang bayag, paano pa sa malalaking krimen.