Walang takot na sinabi ni Mayor na kabilang sa mga tumatanggap ng jueteng payola ang anak ni President Gloria Arroyo na si Pampanga Rep. Mikey Arroyo. Tumatanggap aniya ito ng P600,000 bawat buwan. Bukold kay Rep. Arroyo, dalawang mambabatas sa Albay ang tumatanggap ng jueteng payola at ang mga ito ay sina Rep. Joe Ma. Salceda at Rep. Carlos Imperial. Tumanggap din umano ang dating mambabatas na si Krisel Lagman-Luistro. Ang tatlo ay tumanggap umano ng P400,000, P300,000 at P250,000 ayon sa pagkakasunud-sunod. Maging si Philippine National Police (PNP) chief Dir. Gen. Arturo Lomibao at si Chief Supt. Victor Luga ay inakusahan ni Mayor na protector ng jueteng nang madestino ang mga ito sa Albay bilang regional directors. Ang governor sa Batangas na si Armando Sanchez ay isinangkot din ni Mayor. Ang akusasyon ay itinanggi naman ng mga nabanggit.
Pero kahit na maraming pangalang sinabi si Mayor, wala naman siyang maipakitang ebidensiya sa sinabi niyang jueteng payola. Kaya isa lamang ang magiging konklusyon sa nangyayaring imbestigasyon sa jueteng, wala ring mangyayari rito. Paano magkakaroon ng magandang resulta sa kaso kung walang maipakitang ebidensiya? Masasayang lamang ang oras, pera at laway sa imbestigasyong ito. At habang patuloy ang imbestigasyon sa Senado, patuloy din naman ang pagbola ng jueteng sa maraming lugar. Patuloy na kinakawawa ang mahihirap na umasang mananalo ng karampot sa jueteng. Ang kinitang kaunting pera na dapat ay ibili na ng bigas o sardinas, ay isinapalaran sa jueteng na natalo naman. Tanging ang sukab na jueteng operator ang nanalo. Kumita ng milyon mula sa sama-samang pera ng mahihirap. Pustahan, walang mararating ang jueteng-inang imbestigasyon sa Senado.