Paano ibubulgar ang jueteng lords

KAKAIBANG ideya ang isinulong ni Peter Quintero ng Lansing, Illinois, para mailantad ang mga kubrador at operator ng jueteng sa bawat lugar. Ang mga kakaibang ideya ang nagsusulong ng mundo. At kailangan ng kakaibang ideya para masugpo na sa wakas ang isang-siglo nang sakit at salot na jueteng.

Ani Quintero, mag-surprise visit ang mga senador, kasama ang media, sa public schools sa kanayunan. Doon, tanungin nila ang mga bata kung sino ang kilalang kubrador. Tiyak, hindi magbubulaan ang inosente. Papangalanan ng mga bata ang kamag-anak o kapitbahay na lumilikom ng mga piso-pisong taya, tatlong draw kada araw, para sa P400-jackpot. Ilahad sa pulis ang pangalan. Damputin ang kubrador at paaminin kung sino ang operator. Damputin ang operator at paaminin kung sino ang financier. Damputin ang financier at paaminin kung sino ang protektor. Kung ayaw umamin ang kubrador, operator at financier, ibalita sila bilang mga sanhi ng gutom at hirap sa lugar.

May epekto sa karalitaan ang jueteng. Napag-alaman ni Heherson Alvarez nu’ng senador pa siya na sa mga purok na talamak ang jueteng, konting isda at puro gulay lang ang tinda sa palengke. Kung napuksa ang ilegal na sugal, lumalago ang bentahan ng karne’t isda. Sa madaling salita, inuubos ng mga magulang ang perang pangkain sa pagbili ng pangarap na jackpot. Malnutrition ang epekto nito sa sarili at sa mga anak. Ang isda ay may iodine na panghasa sa utak ng pre-schoolers; ang karne ay may protina na pampalaki at fat na pampasigla. Kung kulang sa hasa ng utak, sa laki at sa sigla ang bata, hindi ito aangat sa school. Imbis na makaahon ang pamilya sa karalitaan, lalo silang malulubog sa hirap at gutom.

Hindi totoong victimless crime ang illegal gambling, na siyang pananaw nung dekada-60. Bukod sa mas malalang karalitaan, nagdudulot ito ng kultura ng katamaran, ng bahala-na attitude, at ng pagka-palaasa.
* * *
E-mail: jariusbondoc@workmail.com

Show comments